NOONG nakaraang Setyembre 2, bumaha sa maraming lugar sa Antipolo City, Marikina, Pasig at Cainta dulot ng habagat at Bagyong Enteng. Maraming residente ang nagulat sapagkat hindi naman daw bumabaha ng ganun kalaki sa kanilang lugar. Maraming nagsabi na matagal na silang nakatira sa Antipolo pero noon lang sila nakaranas na rumagasa ang baha na pumasok sa kanilang bahay. Sa mga retratong nai-post sa Facebook, maraming bahay ang nalubog at bubong na lamang ang nakikita. Pati ang mga may bahay na may ikalawang palapag ay inabot din ng baha. Maraming sasakyan ang tinangay ng agos at naghambalang sa mga kalye. Nagkaroon din ng landslide sa isang barangay sa Antipolo na ikinamatay ng tatlong tao kabilang ang isang buntis.
Sa Marikina, marami rin ang binaha na mas matindi pa umano sa dinulot ng Carina na nanalasa noong Hulyo 24. Hindi umano gaano kalakasan ang ulan na dulot ng Bagyong Enteng pero bumaha agad. Ganito rin ang naranasan sa Cainta at Pasig. Umapaw ang ilog at pati ang mga subdibisyon sa Cainta na hindi naman daw dating binabaha ay pinasok ng tubig. May mga pader ng subdibisyon na nawasak dahil sa baha. Ayon sa mga taga-Cainta, nakararanas na sila ng baha noon pero hindi katulad ng dinulot ng Bagyong Enteng. Halos ganito rin ang nangyari sa Pasig na maraming bahay ang nalubog sa baha dahil sa pag-apaw ng ilog.
Kamakailan, nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lulubha pa ang baha sa Rizal province kapag hindi nakagawa nang maayos at epektibong solusyon ang mga kinauukulan. Ayon sa DENR, ang urbanization o pagdami ng tao sa lungsod kaya may pagbaha sa Rizal at iba pang lungsod sa Metro Manila. Marami na umanong tao sa rural areas ang lumipat sa lungsod at ito ang nagko-contribute sa pagkakaroon nang malaking baha.
Dilaw ang tubig na rumagasa sa Antipolo, Marikina, Cainta at Pasig. Indikasyon na galing sa bundok ang tubig. Hindi kaya wasak na ang bundok kaya madilaw ang baha? Hindi kaya patuloy ang quarrying sa kabundukan ng Rizal kaya ganito kalubha ang baha na nararanasan sa mga lungsod at bayan sa Metro Manila.
Hindi rin kaya dahilan ng baha ang patuloy na mining at crushing operations sa nabanggit na probinsiya? Sa halip na sabihin ng DENR na ang urbanization ang dahilan ng baha, dapat ding tingnan ang quarrying at crushing operations. Basura rin ang itinuturong dahilan ng pagbaha pero mas dapat imbestigahan ay ang mga nangyayaring paghuhukay sa bundok na ikinasisira nito. Nabibiyak ang bundok at pinapasukan ng tubig dahilan para magbaga at landslide. Imbestigahan kung mga kompanyang nagku-quarry sa Rizal at Marikina ay pag-aari ng mga pulitiko at maiimpluwensiya. Ano naman ang masasabi ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa mga ginagawang paghuhukay sa kabundukan at river basin?