Dear Attorney,
Puwede bang tumanggi sa pagbabayad ng renta ang isang tenant dahil nabalitaan nito na hindi malinaw kung kanino talaga ang lupa?—Henry
Dear Henry,
Hindi maaring tumanggi sa pagbabayad ng renta ang isang tenant dahil lamang hindi siya sigurado kung kanino ang inuupahan niyang lupa. Malinaw ang nakasaad sa Section 2(b) ng Rule 131 ng Rules of Court na hindi maaring itanggi ng isang tenant ang titulo ng kanyang landlord sa inuupahan niyang property kapag nagsimula na ang kasunduan nila bilang landlord at tenant.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa Century Savings Bank v. Samonte, (G.R. No. 176212, October 20, 2010), ipinagbabawal sa ilalim ng nasabing probisyon ang pagkuwestiyon ng isang tenant sa titulo ng kanyang landlord. Kapag kasi ang isa ay naging tenant, kasama na rito ang pagkilala sa titulo ng kanyang landlord kaya hindi na niya maaring itanggi ito o sabihing may ibang tao na siya talagang may titulo sa property na kanyang inuupahan. Sa pagkakataong mapatunayan na may contract of lease nga sa pagitan ng isang tenant at landlord, hindi na maaring baliktarin ng tenant ang pagkilala sa titulo ng kanyang landlord kahit pa mayroon siyang malakas na pruweba na hindi talaga ang landlord ang nagmamay-ari sa property.
Dagdag pa ng Korte Suprema sa Tamio v. Ticzon (G.R. NO. 154895, November 18, 2004), hindi naman kasi nakabase sa titulo ng landlord ang relasyon niya sa kanyang tenant. Nakabase lamang ito sa kanilang kasunduan ukol sa pagpagpapaupa kaya hangga’t hindi nagagambala ang tenant sa pananatili niya sa kanyang inuupahan, hindi na mahalaga kung ang landlord nga ba niya ang nagmamay-ari talaga nito o hindi.
Kaya walang basehan ang hindi pagbabayad ng tenant ng upa. Maari siyang sampahan ng ejectment kung sakaling hindi pa rin siya magbayad ng renta at ipagpilitan ang kanyang ginagawang pagkuwestyon sa titulo ng nagpapaupa sa kanya.