MAY nagbiro sa akin na dahil sa sobrang dami, mas tamang tawaging “peste opisyal” kaysa “pista opisyal” ang ating mga pagdiriwang. Biro, pero totoo! Talagang sobra ang dami ng ating mga pista opisyal, average na 27 pista opisyal bawat taon. At dahil sa holiday economics policy ng kasalukuyang administrasyon, kung saan ang isang pista opisyal ay inilalapit sa pagtatapos ng linggo, may pagkakataong idinidiklara na ring pista opisyal ang isang araw na naipit.
Hindi pa kasama sa kuwenta ang mga lokal na pista opisyal. Idagdag pa rito ang pagkakansela ng klase at trabaho sa mga lugar na tinamaan ng malakas na bagyo. Kaya’t sa bawat siyudad, munisipyo o probinsiya, tiyak na hindi bababa sa isang buwan ang pista opisyal at walang pasok sa loob ng isang taon.
Pilipinas ang nangunguna sa Southeast Asia sa dami ng pista opisyal, at kabilang sa 10 pinakamarami sa buong mundo. Bilang pagkukumpara, ang Malaysia ay may 21 pista opisyal sa loob ng isang taon; ang Thailand, 20; Indonesia, 17; Singapore, 11; at Vietnam, 6. Ito kaya ang dahilan kung bakit mas maunlad sa atin ang mga bansang ito?
Maaaring “oo” ang sagot. Nagpahayag kamakailan ang Philippine Chamber of Commerce and Industry na ang sobrang dami ng pista opisyal ay hindi maganda para sa negosyo at ekonomiya. Sinang-ayunan ito ng National Economic Development Authority sa pagsasabing ang sobrang dami ng pista opisyal ay nagtataboy sa mga dayuhang inbestor na mamuhunan dito sa atin.
Napakalaki ng epekto sa negosyo ng kahit na isang araw lamang na tigil-trabaho. Kung papapasukin naman ang empleyado sa araw ng pista opisyal ay obligadong dagdagan ang suweldo sa araw na ipinasok.
Sa karaniwang estudyante at mamamayan, ang pista opisyal ay talagang pista, pero sa mga negosyante, talagang peste. Maging si Senate President Chiz Escudero ay nag-iisip na baka napapanahong magpasa ng batas na magbabawas sa bilang ng ating pista opisyal. Marahil ay napapanahon ngang pag-isipan itong mabuti, hindi lamang sa nasyonal, kundi lalong higit sa lokal na napakaraming pista opisyal.
Ang kailangan ay ang pagbabago ng ating isip bilang mga Pilipino. Ang tunay na pagbabago, ayon sa Roma 12:2, ay ang pagbabago sa takbo ng pag-iisip. Masyado tayong mahilig sa bakasyon, pahinga, at kasayahan. Kailangan din naman ang mga ito, ngunit sa paraang hindi naaapektuhan ang ating pagiging produktibo. Ang mga bansang masipag at produktibo ang mga mamamayan ay mga bansang maunlad.
Naririto ang katibayan: Ang 10 bansa na pinakamasipag at pinakaproduktibo ang mga mamamayan ay ang mga sumusunod, ayon sa ranggo: Luxembourg, Ireland, Norway, Belgium, U.S., Denmark, France, Germany, Netherlands, at Switzerland. Ang mga bansang ito’y kabilang sa pinakaprogresibong bansa sa buong mundo.
Edukasyon ang pinakaepektibong pamamaraan ng pagbabago ng takbo ng isip. Panahon na para baguhin ang curriculum ng mga eskuwelahan mula sa kinder hanggang kolehiyo.
Ang unang dapat matutuhan ng mga estudyanteng Pilipino ay ang pagpapahalaga sa paggawa. Ang mga taong walang pagpapahalaga sa paggawa ay madaling mabulid sa katiwalian, sapagkat ang gusto’y easy money.
Sabi ni Sophocles, “Kapag walang paggawa, walang pag-unlad.” Sa Awit 128:2 ay ganito ang sinasabi, “Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito’y maligaya’t maunlad ang pamumuhay.”