Dear Attorney,
May separation pay po ba akong matatanggap kapag natapos na ang kontrata? Higit isang taon na po akong project employee sa kompanya ko ngayon. —Karl
Dear Karl,
Sa ilalim ng Article 295 ng Labor Code, masasabing project employee ang isang empleyado kung ang kanyang employment ay para sa isang partikular na proyekto na may nakatakdang panahon kung kailan ito matatapos at makukumpleto.
Kailangan din na alam ng empleyado kung kailan matatapos ang proyektong kanyang tatrabahuhin bago pa man siya magsimula. Mahalaga ito dahil ang employment ng mga project employees ay hanggang sa panahong matapos ang proyekto o ang alin man sa mga phases o yugto nito.
Kung ikaw nga ay isa talagang project employee ukol sa depinisyon mula sa Labor Code, at ang sinasabi mong pagtatapos ng iyong kontrata ay bunsod ng pagtatapos ng proyektong tinatrabaho mo o ang isa sa mga phases nito, wala kang matatanggap na separation pay.
Maari lamang makatanggap ng separation pay ang isang project employee kung siya ay tinanggal agad sa trabaho kahit hindi pa tapos ang proyekto at ang pagkakatanggal niya sa trabaho ay dahil sa tinatawag na “authorized cause” sa ilalim ng Labor Code, katulad ng pagkalugi ng negosyo o ang pagkakaroon ng employer ng labis na bilang ng empleyado.