Dear Attorney,
Kapag suspendido ba ang trabaho sa mga pribadong establisemento, kailangan ko bang bayaran ang buong araw na sahod ng mga empleyado ko kahit pinauwi ko sila nang maaga dahil sa masamang panahon? Ilang beses na kasi ako nagpapauwi nang maaga dahil sa lakas ng ulan kamakailan. —Mark
Dear Mark,
Ayon sa Labor Advisory No. 16-2022, na inisyu patungkol sa pagsususpinde ng trabaho sa private sector alinsunod sa Labor Code at Republic Act 11058, maaring magsuspinde ng trabaho ang mga employers sa private sector para masigurado ang kaligtasan ng kanilang empleyado kapag masama ang panahon at sa mga katulad na pagkakataon.
Kaugnay nito, nakasaad sa Section 2 ng nasabing Labor Advisory na hindi kailangang bayaran ang mga empleyadong hindi nakapagtrabaho bunsod ng ginawang suspensyon ng employer.
Para naman sa mga empleyadong nakapagtrabaho na ng ilang oras bago ang suspensyon, buo nilang matatanggap ang kanilang regular pay para sa araw na iyon kung naka-anim na oras na sila ng pagtatrabaho. Kung mas maikli sa anim na oras ang kanilang ipinasok ay babayaran lamang sila ng halagang katumbas sa oras na kanilang trinabaho.
Nakasaad din sa Labor Advisory 16-2022 na sa lahat ng pagkakataon, hindi dapat parusahan ang mga empleyado kung dahil sa nakaambang panganib na dulot ng masamang panahon ay hindi sila nakapasok o kaya’y tumanggi silang magtrabaho.
Hindi naman applicable ang mga nabanggit kung may mas paborableng company policy o collective bargaining agreement na nagbibigay karapatan sa mga empleyado na makatanggap ng sahod kahit suspendido ang trabaho. Dapat ding suwelduhan ang empleyado kahit hindi siya nakapagtrabaho kung sa ilalim ng company policy o sa CBA ay puwede naman niyang gamitin ang kanyang mga naipong leave credits.