‘Langaw’

(Part 1)

MAYROON akong pteronarcophobia. Ito yung abnor­mal na pagkatakot sa langaw. Kapag nakakakita­ ako ng mga langaw ay sobrang pagkatakot at pagkadiri ang nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag ang nangyayari sa akin. May pagkakataong nagsusuka ako dahil sa pagkatakot sa langaw.

Nagsimula ang pagkatakot ko sa langaw noong ako’y nasa elementarya—grade 5 ako noon.

Nawala ang aming aso na si Blackie. Mahal na mahal namin si Blackie. Hindi namin makita kaya nag-alala na kami. Isang linggo ang lumipas at wala talaga. Hinala namin, maaring patay na.

Hanggang sa may naamoy kaming napakabaho. Kanya-kanya kaming magkakapatid na naghanap sa damuhan at sa kakahuyan.

Ako ang nakakita kay Blackie sa damuhan.

Halos bumaliktad ang sikmura ko nang makita si Blackie. Punumpuno ng langaw ang kanyang nabu­bulok na katawan. Noon lamang ako nakakita nang napakaraming langaw. Hindi lang basta langaw—malalaking langaw!

Umuugong ang mga langaw sa dami habang nagkulumpon sa naaagnas na katawan ni Blackie.

Hindi ko napigilan ang sarili at nagtatakbo ako palayo at saka nagsuka nang nagsuka.

Mula noon, nagkaroon na ako ng takot sa langaw. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam kapag nakakakita ng mga langaw. (Itutuloy)

Show comments