ISANG lalaki sa Barcelona, Spain na mahilig sa cell phone ang nakapagtala ng world record dahil sa malaking koleksyon niya ng iba’t ibang uri ng cell phones.
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Wences Palau Fernandez ang pinakabagong world record holder ng titulong “Largest Collection of Mobile Phones”. Ito ay matapos siyang makakolekta ng 3,615 piraso ng cell phones.
Ayon kay Fernandez, ang pinakauna niyang cell phone ay Nokia 3210 na regalo sa kanya mula sa kanyang mga magulang noong Pasko ng 1999. Pagsapit ng 2008 ay nagsimula siyang mangolekta ng Nokia phones na hindi niya nabili noong siya ay bata pa.
Sa kalaunan, nangolekta na rin siya ng mga cell phone mula sa ibang brand.
Ilan sa mga ipinagmamalaking cell phone ni Fernandez sa kanyang koleksyon ay ang Yoda, Starfighter, Obi-Wan Kenobi, Cyborg and Padawan version ng Nokia 3220 mula sa limited edition Star Wars Episode III collection.