Ang ministro na magkukudeta sana

MAY isang malupit na hari na kinatatakutan ng lahat ng tao. Lahat ng kanyang nasasakupan ay ipinapanalanging mamatay na sana siya. Isang araw bigla na lang nitong ini-announce sa buong kaharian na wawakasan na niya ang kalupitan at kawalan ng katarungan sa kanyang pamunuan. Babaguhin na niya ang pamumuno para sa kabutihan ng mga tao.

“Mahal na Hari, ano po ang dahilan ng magandang pagbabago sa inyong pamunuan?” tanong ng pinagkakatiwalaang ministro.

Noong nagbakasyon ako sa ibang bansa ay may nasaksihan ako na nagpabago ng aking pananaw sa buhay. Nakita kong hinahabol ng aso ang isang pusa. Nang maabutan, kinagat nito ang leeg ng pusa. Iniwan niyang sugatan ang pusa. Ipinagpatuloy ko ang aking pangangabayo. Nang makarating ako sa kabayanan, ang asong nangagat sa pusa ay muli kong nakita. Hinarang nito ang isang lalaking naglalakad. Pero nakaramdam ang lalaki na kakagatin siya ng aso. Kaya dinukot niya ang kanyang baril at pinaputok sa aso. Biglang bumulagta ang aso. Pero nagulat ang kabayong sinasakyan ko sa putok ng baril kaya nataranta ito at nagtatakbo. Nabangga ng kabayo ang lalaki na tumilapon naman sa malaking bato. Naiwan itong nagdurugo ang ulo.

Nag-isip ako. “Evil begets evil.” Kung ipagpapatuloy ko ang aking mga kasamaan, siguradong kakarmahin din ako sa bandang huli. At ayokong mangyari iyon. Kaya nagdesisyon akong magbago.

Lihim na napangisi ang ministro. Ngayong lumambot na ang hari, ito ang tamang panahon para magkudeta. Pamumunuan niya ang pagpapatalsik sa hari para siya ang iluklok sa trono. Nilisan niya ang palasyo para pulungin ang nais sumama sa kanyang planong kudeta.

Sa sobrang excitement, nadulas siya sa hagdanan ng palasyo. Gumulong-gulong siya mula sa pinakaitaas ng baytang hanggang sa ibaba. Sa kasamaang palad, nabali ang kanyang leeg. Paano pamumunuan ang kudeta ng isang taong bali ang leeg ? Hindi pa man isinasagawa ang masamang plano, tinamaan na agad siya ng bad karma.

“As she has planted, so does she harvest; such is the field of karma.” – Sri Guru Granth Sahib

Show comments