ANO ba ang pangunahing katangian na hinahanap ngayon ng mga botanteng Pilipino sa kandidato sa pagka-Senador? ‘Yun bang matalino? ‘Yun bang may mataas na pinag-aralan? ‘Yun bang may mahabang karanasan sa serbisyo publiko? ‘Yun bang bihasa sa batas?
Sinagot ito ng mga tumugon sa huling survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS). Ang sagot—‘yung kandidatong may puso sa mahirap. Kaya sa darating na halalan sa isang taon, may malaking bentahe ang kandidatong nakalikha ng public perception na maka-mahirap o maka-masa. Ito’y nagbabadya na magiging malakas ang laban ng mga personalidad sa media na sangkot sa serbisyo publiko, gayundin ang mga artistang laging ang ginagampanang papel ay tagapagtanggol ng mahihirap at inaapi. Kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit sa naturang survey ay nanguna si Erwin Tulfo dahil sa malapit nitong koneksyon sa masa dala ng kanyang adbokasiya para sa mahihirap.
Dahil sa resulta ng survey, makaaasa tayo na rito sesentro ang kampanya ng mga tumatakbo sa Senado, palulutangin ang pagiging maka-mahirap. Pagalingan na ito ng mga estratehiya. ‘Yung makakagawa ng mga political advertisements na may kurot sa puso ng mahihirap ay makakalamang. Dahil mas nakararami sa atin ang mahirap, talagang ang dapat naihahalal sa pambansa man o panglokal na puwesto ay ‘yong mga maka-mahirap. Ang may puso sa mahirap ay napakagandang katangian. Ito’y katangiang lubos na pinagpapala ng Diyos, sapagkat ang Diyos mismo’y laging may pagkiling sa mahirap.
Pero ang mahalaga’y matiyak natin na ang ating pinipili ay totoong maka-mahirap, at hindi pang-publicity lang, hindi peke. Hindi komo galing sa hirap ay totoong maka-mahirap. At hindi komo mayaman ay hindi na puwedeng maging maka-mahirap. Hindi komo relihiyoso ay totoong maka-mahirap. At hindi komo hindi aktibo sa relihiyon ay wala ng puso para sa mahirap. Nilinaw ito sa Santiago 1:27, “Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”
Noon pa man, maraming pulitiko ang gumamit ng platapormang makamasa at nagwagi dahil dito. Ngunit nang maupo na, lumitaw na slogan lang pala ang pagiging maka-mahirap. Ang tunay na maka-mahirap ay hinding-hindi magnanakaw, tutulungan ang mahihirap hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng isda, kundi sa pagtuturo sa mga ito kung paano mangingisda. Ang isang tunay na maka-mahirap ay magtuturo sa mahirap na umasa sa sariling kakayahan, kaysa laging umasa sa iba. Kung ang mga naihahalal natin ay totoong maka-mahirap, hindi tayo ganito na naiwan na ng ating mga kapitbahay sa Asya, sa punto ng kaunlaran at katahimikan. Nangungulelat tayo dahil hindi tayo nakapag-uupo ng mga tunay na may puso sa mahirap. Ang marami sa ating naihahalal ay mga pulitikong ang puso ay nasa kayamanan at kapangyarihan.
Sana, maging matalino ang mga botante upang mapili ang mga kandidatong totoong may puso sa mahirap. Huwag basta patatangay sa mga political gimmicks. Huwag ipagbibili ang boto. Ang isang kandidatong namimili ng boto ay walang paggalang sa mahirap. Kung hindi magiging matalino sa pagboto, lalo na ang mahihirap, makapag-uupo muli tayo ng mga kandidatong patuloy na lalapastangan sa mahihirap sa pamamagitan ng pagkukunwaring maka-mahirap.