SA isang probinsiya sa Western Visayas, may isang sikat na makeup artist mula sa Maynila ang inimbitahan ng isang pulitiko roon para magsagawa ng libreng makeup artistry classes. Araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes sa loob ng dalawang linggo ang itatagal ng klase. Isinagawa ang pagtuturo sa isang building sa kapitolyo ng probinsiya.
Dagsa ang nagsipag-enrol na karamihan ay mga bakla at mga babaing nagsisipagtrabaho sa beauty parlor. Isang lalaking matangkad, guwapo, may abs ang isa sa mga enrollees. Iisa ang katanungang naglalaro sa kanilang isipan: Si Kuya ba na tipong artistahin ay bakla? Kung hindi, bakit siya interesado na matutong mag-makeup?
Mabilis matuto si Kuya Handsome sa mga technique na itinuturo ng magaling na titser. Nakikipagsabayan siya ng kahusayan sa mga bakla at babaeng matagal nang nagtatrabaho sa parlor. Lalong naintriga ang mga kaklase kung ano ba talaga ang gender ni Kuya.
Hindi naman nila maitanong dahil mukha itong seryoso. Hindi siya palakibo at laging nakaupo sa hulihan kaya walang kakuwentuhan. Isa pa, kapag pumapasok ito sa classroom, nagsisimula na ang klase kaya wala siyang time na makitsika sa mga kaklase.
Sa araw ng graduation, binigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbigay ng maikling speech para makapagpasalamat sa libreng kaalaman na kanilang natamo buhat sa pulitikong namuno sa project at sa mismong inimbitahang titser. Pigil ang hininga ng lahat nang si Kuya Handsome ang nagsalita:
“Kahit hindi ninyo ako personal na tinatanong kung bakit ako nag-aral ng makeup artistry, nadadama ko ang curiosity ninyo sa tuwing ako ay pumapasok sa classroom. One year ago, ang aking misis ay nawalan ng paningin dahil sa kumplikasyon sa diabetes.
“Noong may paningin pa siya at aktibong nagtatrabaho, hindi siya umaalis ng bahay nang hindi naglalagay ng makeup. Although napakaganda niya at puwede nang walang makeup, nadadama niyang mas lalong lumalakas ang tiwala niya sa sarili kung naka-makeup siya.
“Kaya para maipagpatuloy niya ang kanyang kinasanayan na nag-aaplay ng makeup tuwing lalabas ng bahay, nag-aral ako ng makeup artistry para sa aking mahal na maybahay. I do not only want to learn how to apply her makeup; I want her to wear the most beautiful make-up so her inner beauty also shines on the outside.”
Hindi lang pala mga bakla ang mahusay mag-make-up, pati rin ang tunay na lalaking wagas na nagmamahal sa kanyang asawa.