Problemado sina Itay at Inay kung paano kami magkakaroon ng ilaw matapos matuyuan ang aming gasera sa kalaliman ng gabi. Wala nang mabibilihan sa tindahan sa bayan sapagkat alas otso lamang ay sarado na. Malayo naman sa aming baryo ang nag-iisang gas station.
Sinisisi ni Itay ang sarili kung bakit hindi nainspeksiyon ang mga gasera kung mayroon pang gas ang mga ito. Naging abala si Itay sa pagtatanim ng palay kaya hindi naalalang inspeksiyunin ang mga gasera.
Nang tingnan naman ni Inay kung mayroon pa kaming langis ng niyog, ubos na rin.
Hindi malaman ni Itay ang gagawin lalo na nang malamlam na ang mga ginagamit naming gasera. Mauubos na talaga at mababalot kami ng dilim.
Hanggang sa bigla kong maalala ang ginagawa kong eksperemento na bunga ng agopanga. Ang bunga raw ng agopanga ay may natural na langis. Marami akong naipong langis makaraang durugin ang mga bunga ng agopanga maraming buwan na ang nakalipas.
Agad kong kinuha ang langis ng agopanga at sinalin sa mga gasera. Sinindihan ko ang mitsa.
At sa pagtataka namin, mas maliwanag ang ilaw kumpara sa gas. Tuwang-tuwa kami sa nangyari. Si Tatay ay nabunutan ng tinik. Hindi ko malilimutan na nakaimbento ako ng langis at nagamit sa biglaang pangangailangan.