NAGPATULOY si Rocky sa pagkukuwento ng nangyari sa kanyang buhay na nawalan siya ng pag-asa dahil sa pagkamatay ng asawa dahil sa kanser. Hanggang isang gabi raw, lasing na lasing siya noon, nagpakita raw ang kanyang namatay na asawa.
Si Inah naman ay walang imik habang nagkukuwento si Rocky. Natatangay siya sa mga ikinukuwento nito.
“Parang totoong-totoo ang napanaginipan ko. Kinakausap daw ako ng aking asawa. Nakaitim siyang damit at habang kinakausap ako ay umiiyak siya. Pinayuhan akong umuwi na at ayusin ang sarili. Siya man daw ay nahihirapan sa aking ginagawa na nakabantay sa kanyang puntod. Bumangon daw ako sapagkat marami pang magagandang pagkakataon na naghihintay sa aking buhay.
“Sabi pa ng aking asawa, hindi na maibabalik ang mga nangyari. Ang mahalaga raw ay ang kasalukuyan. Hindi raw ako dapat magmukmok. Dapat daw akong kumilos. Wala raw ibang tutulong sa akin kundi ang sarili. Umuwi na raw ako at magsimulang muli. Sayang daw ang panahon kaya dapat na akong magplanong muli.
“Pagkatapos niyon, unti-unting naglaho ang aking asawa. Pero ang kanyang mga sinabi ay malinaw na malinaw. Nakatatak sa aking isipan. Bumangon daw ako at magsimulang muli!
“Kinabukasan, bago pa sumikat ang araw ay umuwi na ako sa bahay. Wala pang tao sa aming kalye kaya walang nakakita sa aking pagbabalik.
“Marahan kong binuksan ang gate. Kinakalawang na ang kandado. Nahirapan akong susian.
“Binuksan ko ang bahay. Naawa ako sa itsura ng aming bahay. Maalikabok. Parang haunted house. May mga agiw.
“Binuksan ko ang mga bintana para pumasok ang sariwang hangin. Sinimulan kong linisin ang bahay. Winalisan ko ang sahig at saka pinunasan. Pati ang mga bintana, pinunasan ko. Pati na ang mga nakadispley na retrato ng kasal namin ng asawa ko sa dingding ay pawang alikabok. Matapos kong linisin ang wedding picture namin at mapasulyap ako sa aking asawa, nakangiti siya. Para bang tuwang-tuwa siya sa muli kong pagbabalik sa bahay.
“Pagkatapos kong linisin ang bahay, ang bakuran naman ang winalisan ko. Binunot ko ang mga damo. Hanggang maging malinis ang bakuran. Bumalik ang sigla sa loob at labas ng aming bahay.’’
“Salamat naman at bumangon ka. Natutuwa ako, Kuya Rocky.’’
“Salamat, Inah.”
“Pero alam mo ba, pinuntahan kita sa bahay mo nun?’’
“Alam ko. May nagsabi sa akin.’’ (Itutuloy)