TATLUMPU’T PITONG taon na nating nilalabag ang ating Konstitusyon na nagbabawal sa paghahalal sa serbisyo publiko ng magkakamag-anak. Sang-ayon sa Article 2, Section 26 ng 1987 Constitution, ipinagbabawal ng estado ang mga political dynasties batay sa mga probisyon ng batas. Ito ang malaking problema, simula nang umiral ang 1987 Constitution, wala pang napagtitibay na batas para ipatupad ang pagbabawal sa political dynasties.
May mga naghain na ng mga panukalang-batas pero walang isa man lamang ang nakarating sa ikalawang pagbasa, sa Kamara man o sa Senado. Hindi otomatik ang pag-iral ng pagbabawal sa political dynasties, kailangang magpasa ng batas ang Kongreso tungkol dito.
Hindi naman mahirap isipin kung bakit walang naipapasang batas, sapagkat ang magpapasa ng batas ay galing mismo sa mga political dynasties. Sa halip na mabawasan, lalong dumarami ang magkakamag-anak na naihahalal sa Kongreso. Maraming malalapit na magkamag-anak sa Kamara. Sa Senado, may mga Senador na magkakapatid at mag-ina. Sa darating na eleksyon sa isang taon, posibleng may mahalal namang mag-aama.
Ganyan rin sa ehekutibo. Simula noong 1988 hanggang 2019, ay ganito ang naging takbo. Sa gobernador, 80% ay magkakamag-anak; sa bise-gobernador, 68%; sa mayor, 53%. Ayon pa rin sa mga pag-aaral, marami sa mga probinsiya, munisipalidad o lunsod na pinamumunuan ng magkakamag-anak ay nananatiling mahirap, kung ihahambing sa mga lugar na walang political dynasties.
Bakit? Kasi, sa political dynasties ay sila-sila na lang, walang bagong mga kaisipan, walang masyadong pagpupursigi, at walang mahigpit na checks and balances na nauuwi sa katiwalian.
May pag-asa pa ba tayo? May dalawang petisyong nakahain sa Korte Suprema para obligahin ang Kongreso na magpasa na ng batas laban sa political dynasties. May mga eksperto sa batas ang nagsasabing walang kapangyarihan ang Korte Suprema na gawin ito.
At parang pelikula, to the rescue ang bida, si Senator Robinhood Padilla, tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Inihain niya ang Senate Bill 2730 na naglalayong ipinatupad ang mandato ng Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasties.
Sa panukalang-batas ay ipinagbabawal ang pagtakbo sa anumang posisyon sa katulad na halalan ng asawa o kamag-anak ng isang incumbent sa munisipalidad, siyudad o probinsya, at maging sa party list. Sa totoo lang, hinangaan ko rito si Senator Robinhood. Pero ang tanong, makakapasa kaya ang kanyang panukala?
May isa pang paraan, huwag ihalal ang magkakamag-anak. Sana’y magising na ang mga botanteng Pilipino. Tayo rin ang may kagagawan bakit tayo nagkakaganito. Tayo rin ang may kasalanan bakit nakapamamayagpag sa kapangyarihan ang magkakamag-anak.
Sabi ni Albert Einstein, “Ang lakas ng Konstitusyon ay nakadepende sa determinasyon ng bawat isang mamamayan na ipaglaban ito. Mapapangalagaan lamang ang mga karapatang Konstitusyonal kung bawat mamamayan ay gagawin ang kanyang tungkulin na ito’y ipaglaban.”
Walang may monopolyo ng kagalingan at kahandaang makisangkot sa serbisyo publiko. Sana, bago maghalalan sa Mayo 2025 ay mayroon na tayong batas na nagbabawal sa political dynasties. Dahil kung magbabagal-bagal pa tayo, baka isang araw ay gigising tayo na ang Presidente natin at Bise Presidente ay mag-asawa, mag-ama o mag-ina. At ang ating mga senador at kongresista ay magkakapatid at magpipinsang-buo. Ang serbisyo-publiko ay hindi dapat gawing pampamilyang-negosyo!