SI John Montin ay isang mabuting mamamayan ng Nebraska, U.S. na kahit kailan ay hindi napapasama sa kahit anong klaseng gulo. Okey na sana ang buhay niya, maliban sa matagal na niyang pinuproblemang sakit sa likod.
Isang araw ng 1993 ay uminom siya ng gamot na pantanggal sa kanyang back pain. Hindi binanggit kung ang gamot ba ay matagal na niyang iniinom o first time lang. Hindi rin matiyak kung ang gamot ay may prescription ng doktor o wala. Basta’t pagkaraan ng ilang oras matapos niyang inumin ang gamot, siya ay nawala sa sarili.
Naglakad siya nang naglakad hanggang nakarating sa isang bahagi ng Nebraska kung saan nakatayo ang isang magandang bahay. Kumatok ito at nang pagbuksan ng may-ari ay biglang nagsisigaw si Montin. Pinalalayas ni Montin ang mga nakatira sa magandang bahay dahil iyon daw ay ipinamana sa kanya ng mga ninuno niya.
Kinabukasan, natanggal na ang epekto ng gamot kaya bumalik muli ang kanyang katinuan. Kaya lang nakakulong na siya sa presinto ng pulis. Ayon sa mga pulis, umabot ng 11 oras na nakipagbarilan si Montin sa may-ari ng bahay at sa mga pulis. Mabuti na lang at walang tinamaan sa pagbabarilan.
Sa halip na kasuhan, si Montin ay ipinasok sa mental institution. Natuklasan ng mga doktor na ang gamot na ininom ni Montin matapos siyang mawala sa sarili ay nagdudulot ng psychosis—nawawala ang katinuan ng isip.
Sa loob ng 20 taon ay ikinulong si Montin sa mental institution kahit na nag-aapela siya na hindi siya baliw. Binigyang importansiya ng mga doktor ang report ng mga pulis pero hindi nila sinuri ang mismong pasyente.
Sa kakukulit ni Montin na matino siya, saka lang nagsagawa ng isang kumpletong pagsusuri ang ospital. Sa wakas, napatunayang walang sira ang kanyang pag-iisip kaya’t siya ay pinalaya. Idinemanda ni Montin ang Mental Institution kasama ang paghingi ng $33 million na kabayaran sa perwisyong ginawa sa kanyang buhay.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang kaso. Sinira ng isang tableta ang kanyang buhay.