(Last part)
ISANG araw na wala akong pasok sa trabaho, nakatuwaan kong linisin ang antigong estante na kinaroroonan ng koleksiyon ko ng mga ballpen. Ang estante ay pinamana sa akin ni Lola. Ingatan ko raw. Doon ko inilagay ang aking mga ballpen na halos umapaw na sa dami.
Pinunasan ko ang mga ballpen. Mula nang mag-Saudi ako bumalik dito sa bansa, hindi ko nagawang linisin ang estante. Pinasok na ng alikabok kahit saradung-sarado.
Tanghali na ay hindi ko pa natatapos punasan ang mga ballpen. Ayaw ko namang magpatulong sa iba dahil gusto ko, ako lamang ang hahawak sa ballpen.
Nang ang ballpen na nabili ko sa Manfouha, Riyadh na ang aking pinupunasan, napansin ko na naman ang kakaibang bigat.
Binuksan ko ang ballpen. Iyon ang unang pagkakataon na binuksan ko ang ballpen.
Nagulat ako nang mabuksan sapagkat ang nasa loob o ang lalagyan ng ink ay parang ginto.
Sinipat-sipat ko. Maaring gold plated lang. Pero duda ako dahil sa bigat.
Hindi ako mapakali kaya dinala ko sa isang trusted na jewelry shop ang ballpen.
At hindi ako makapaniwala nang sabihin ng alahero na pure gold ang ballpen. Malaki raw ang halaga kung ibebenta iyon.
Pero nagpasya ako na hindi ibenta ang ballpen.
Hanggang ngayon, tinatago ko ang ballpen na purong ginto.