Baka mahirati sa reward

LUMILIIT na umano ang mundo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

Naniniwala rin si DILG Secretary Benhur Abalos na nasa tabi-tabi na lang ito at hindi pa  nakakalabas ng bansa.

Marami na umano ang nagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito lalo pa nga at naglabas na ng P10 milyong reward para sa ikadarakip nito. Posible ring itaas pa ang reward laban dito.

Wala tayong nakikitang masama sa reward system na ipinatutupad sa mga wanted, sa maraming pagkakataon eh talaga namang nakatulong ito para matunton at madakip ang mga pinaghahanap.

Yun nga lang baka kasi mahirati na hindi kumilos kung walang reward na nakalaan, lalo sa panig ng law enforcement.

Tungkulin nila ang tugisin ang mga wanted sa batas, may reward man o wala.

Kung alam na ang kinaroroonan, i-operate na agad hindi na dapat patagalin pa.

Dapat din minsan ipatupad ang confidentiality sa operasyon, hindi lahat isasapubliko para maging matagumpay ito.

Hindi dapat unahin ng pagdada kundi pag-aksyon.

Matuto rin sana ang komunidad sa pagbibigay ng tamang impormasyon hindi yung nakikihalo pa sa panggugulo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga pekeng info.

Show comments