‘Hanger’ (Last Part)

KAPAG Lunes ay maaga akong gumigising para maglaba ng aking mga puting uniporme. Tulog na tulog pa ang aking mga ka-boardmates ay naglalaba na ako sa laundry sa second floor. Kailangan kong agahan ang pagbangon para hindi ako abutan ng init.

Bago ako magsimula sa paglalaba ay inihahanda ko muna ang mga gamit ko sa paglalaba—sabon, banyera at mga ­hanger. Marami akong hanger. Matitibay ang aking mga hanger dahil gawa sa kahoy at stainless ang alambreng pangsabit.

Bago mag-alas otso ng umaga ay tapos na ako sa paglalaba.

Isinampay ko nang maayos ang mga uniform sa second floor ng boarding house. Ingat na ingat ako sa pagsasampay at baka matapakan o mahawakan ko ang gapok na barandilya. Natapos ang pagsasampay ko.

Makalipas ang may kalahating oras, biglang lumakas ang hangin. Nagliparan ang mga uniporme ko. Hinabol  ko ang mga iyon. Naabot ko ang isa sa uniporme pero nawalan ako ng balance at nahulog sa gilid.

Dahil hawak ko ang damit na may hanger, bigla kong naikawit ang stainless na sabitan niyon sa pako na nakausli. Napigilan ang pagbagsak ko.

Nagsisigaw ako habang nakabitin at nakahawak sa hanger. Pinagpawisan ako. Hindi ako dapat makabitiw. Nilakasan ko ang loob.

Nagkagulo ang mga tao sa labas. Hanggang may dumating na mga bumbero. May mataas na hagdan ang mga bumbero at yun ang ginamit para ako makuha sa kinabibitinan.

Sa awa ng Diyos, nailigtas ako ng mga bumbero. Kung hindi ko nilakasan ang loob baka bumagsak ako at namatay. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon na nakaligtas sa trahedya sa tulong ng hanger.

 

Show comments