Dear Attorney,
Masasabi po ba na illegal dismissal kung nagsara ng branch ang kompanya at pagkatapos ay pinapalipat ang mga empleyado ng nagsarang branch sa malayong probinsya? Masyado po kasing malayo ‘yung lugar para sa mga empleyado.—Edna
Dear Edna,
Inalis na ba sa trabaho ang mga empleyado ng nagsarang branch? Walang illegal dismissal hangga’t walang nangyayaring termination o pagtatanggal sa trabaho.
Baka ang ibig mo sabihin ay kung may constructive dismissal ba.
Matatawag na may ‘constructive dismissal’ ang paglipat sa malayong lugar kung ito ay malinaw na ginawa bilang diskriminasyon laban sa mga empleyado upang sila ay mapilitang mag-resign. Matatawag rin na constructive dismissal kung ang pagdestino sa malayo ay may kasamang demotion o kaya naman ay magdudulot ito ng kabawasan sa sinasahod ng empleyado.
Iyon nga lang, kailangang may pruweba upang mapatunayan ang mga nabanggit kung balak magreklamo ang empleyado ng constructive dismissal.
Sa ilalim kasi ng ating batas ay may tinatawag na management prerogative ang mga employers. Ang management prerogative ay ang karapatan ng employer na mag-desisyon sa lahat ng aspeto ng kanyang negosyo upang epektibo niyang mapamahalaan at masigurado ang kapakanan nito.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Mendoza vs. Rural Bank of Lucban (G. R. No. 155421, July 7, 2004) at Benguet Electric Cooperative vs. Fianza (G. R. No. 158606, March 9, 2004), ang paglilipat sa mga empleyado sa ibang lugar ay kabilang sa management prerogative ng isang employer kaya hindi ito labag sa batas basta hindi made-demote ang empleyado sa gagawing paglipat sa kanya sa ibang lugar at hindi mababawasan ang kanyang sahod at iba pang mga benepisyo.
Bukod dito ay hindi rin dapat ginawa ang paglilipat bilang diskriminasyon o parusa, at hindi rin ito sinadya upang mapilitan ang empleyado na tuluyan na lang umalis na lang sa trabaho. Sa madaling sabi, ipinalipat dapat ang empleyado sa ibang lugar dahil kailangan talaga ito para sa ikabubuti ng negosyo.
Sa inyong sitwasyon, ang pagsasara ng branch at ang pagpapalipat sa mga empleyado sa ibang lugar, kahit na malayo pa ito, ay bahagi ng management prerogative ng employer. Upang masabing isa itong paraan ng constructive dismissal ay kailangang patunayan ng empleyado na ginawa lamang ang mga ito upang mapilitan silang mag-resign, kung wala namang demotion at walang bawas sa kanilang mga sahod at benepisyo.
Kung pawang haka-haka lang kasi ang magiging batayan para sabihing may constructive dismissal ay kakatigan ng batas ang employer, na may karapatan sa ilalim ng ating batas na magpadala ng empleyado sa malalayong lugar kung para naman talaga ito sa kapakanan ng negosyo.