^

Punto Mo

Isalba ang edukasyon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SINO kaya ang itatalaga ni Presidente BBM na susunod na kalihim ng Department of Education?  Isang importanteng tanong na humihingi ng importanteng sagot, sapagkat ang nakataya ay ang edukasyon ng mga kabataang Pilipino. Ang kinabukasan ng ating bansa ay nakabase sa kalidad ng edukasyon ng ating mga kabataan, Sa ngayon, ang kalidad ng ating edukasyon ay kulelat sa Asya at isa sa nangungulelat sa buong mundo.

Hindi magsisinungaling ang rekord—si Bise Presidente Sara Duterte ay hindi kuwalipikado bilang kalihim ng Department of Education, isa sa pinakamalaking ahensya ng gobyerno.  Hindi lamang kulang sa kakayahan at kaalaman tungkol sa public education system, kulang din marahil sa dedikasyon, dahil hindi naman ito ang gusto niyang puwesto.

Ang talagang gusto niya’y maging kalihim ng Department of National Defense. Kaya naman, nagtalaga siya sa DepEd ng mga undersecretaries na dating mga heneral, humingi ng napakalaking confidential funds na nabigo naman niyang makuha, at ang unang isinulong ay ang pagbabalik ng ROTC bilang requirement bago makapagtapos ng kolehiyo.

Ang nangyari sa DepEd ay siguradong naulit at mauulit pa dahil sa ating praktis ng pagtatalaga ng Presidente ng mga kalihim sa iba’t ibang ahensiya at departamento ng gobyerno bilang paraan ng pagbabayad sa mga pinagkakautangan ng loob, sa mga taong may malaking kontribusyon sa pagkapanalo sa eleksyon.

Kaya ang nasusunod ay ang kasabihang, “It is not what you know, but whom you know.”  Higit na mahalaga kung sino ang iyong kakilala, kaysa kung ano ang nalalaman mo. Totoo rin naman na maraming political appointees ang kuwalipikado, kung paanong totoo rin na marami ang hindi.

Ito ang isang napakalaking paradox o kabalintunaan sa serbisyo publiko. Hindi matatanggap na regular na empleyado sa gobyerno ang isang rank-and-file kung hindi siya tapos ng kolehiyo, pasado sa civil service examination, at may sapat na karanasan sa pwestong inaaplayan. Pero ang isang political appointee ay hindi kailangan ng mga ganitong kwalipikasyon. Kaya pwedeng mangyari na mas kuwalipikado pa ang isang rank-and-file kaysa isang kalihim.

Magagaling ang ating mga career public servants, ngunit bihira ang nakakaabot doon sa pinakamataas na posisyon tulad ng kalihim dahil sa praktis ng political appointments.  Bunga nito, bloated o sobra-sobra ang bureaucracy. Napakaraming empleyado ang walang ginagawa sapagkat hindi kwalipikado sa mga pwestong hinahawakan.

Hangga’t hindi nababago ang ganitong sitwasyon, mananatili ang napakataas na incompetence sa gobyerno, mananatiling tinutustusan natin ng limpak-limpak na salapi ang mga empleyadong walang ginagawa’t hinihintay kundi ang akinse’t katapusan.

Sa pagbibitiw sa tungkulin ni Sara Duterte ay nabasag ang tinaguriang “unity team,” magkalaban na ang mga Duterte at Marcos. Ngunit sana, ang higit na nabasag dito’y ang praktis ng pag-aappoint sa mga pwesto sa Gabinete bilang bayad-utang, sapagkat ang napipinsala ay ang serbisyo publiko.

Napapanahong iayos ang sistema ng pagtatalaga sa matataas na posisyon sa gobyerno.  Kung hindi ito maaayos, mananatili tayong kulelat sa lahat ng aspeto—edukasyon, ekonomiya, agrikultura, transportasyon, komunikasyon. Kapag ang mismong problema ay ang pamamahala o governance, sanga-sanga ang ibubunga nitong problema. 

Sana ang maitalagang kalihim ay kwalipikado at dedikado at hindi lamang dahil kapartido.  Ang pagsasalba sa edukasyon ay pagsasalba sa mga kabataan. At ang pagsasalba sa mga kabataan ay pagsasalba sa ating kinabukasan.

vuukle comment

EDUCATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with