DAHIL sa kalituhan at pagkagulo ng aking isipan kung saan hahagilap ng P200,000 na pambayad sa ospital, ipinasya kong dalhin ang salamin sa lugar na aking kinatagpuan. Malakas ang aking paniwala na may dalang malas ang salamin na aking napulot.
Iiwan ko ang salamin sa mismong spot na aking kinakitaan.
Nagmamadali akong nagtungo sa lugar dala ang salamin. Tandang-tanda ko kung saan napulot ang salamin.
Nang malapit na ako sa lugar, nagtaka ako sapagkat may natanaw akong tao na naroon. Nag-isip ako. Baka yun ang may-ari? Baka Arabo ang may-ari? Baka akusahan ako na ninakaw? Tumigil ako. Nag-isip.
Hanggang sa ipasya kong tumuloy. Bahala na.
Nang makalapit ako, isang Pinoy pala ang naroon. Mukhang mabait. Hula ko, may hinahanap siya.
“Kabayan, magandang umaga,” bati ko.
“Magandang umaga rin Kabayan,”
“May hinahanap ka Kabayan?’’
“Oo. Salamin!’’
Napamaang ako.
“Salamin mo Kabayan?’’ tanong ko.
“Sa amo kong Saudi Kabayan. Napakahalaga sa kanya ng salamin na iyon. Nalaglag daw sa kanya habang nagmamaneho sa lugar na ito. Magbibigay daw ng pabuya si Amo kahit magkano basta maibalik lang ang salamin. May sentimental value raw yun.’’
Biglang nagliwanag ang isipan ko. Nakakita ng pag-asa.
Ipinakita ko kay Kabayan ang salamin at siya man ay labis ang katuwaan.
Pinagkalooban ako ng pabuya na sobra-sobra pa sa kailangan ko para sa operasyon ng aking anak.
Nakaligtas ang aking anak sa kamatayan. Hindi ko malilimutan ang salamin na aking napulot.