NAGPUPUYOS sa galit ang milyonaryong si Elmer Kelen sa bago pa lang sumisikat na Hungarian artist na si Arpad Sebesy. Ayon sa milyonaryo, hindi niya kamukha ang taong nasa portrait na ipinagawa niya. “Basura ang ginawa mong portrait! Hindi ko babayaran yan!”
Ininsulto na ang kanyang trabaho ay nawalan pa siya ng kikitain. Ilang linggong pinaghirapan ni Sebesy ang portrait painting ni Kelen. Sa panahong iyon ay tatlong beses lang nag-pose ang milyonaryo sa kanyang harapan, kaya itinatak na lang ng artist ang hitsura ng kanyang kliyente sa kanyang memorya.
Babayaran sana siya ng 500 pengos (Hungarian currency mula 1927 to 1946) pero nauwi lang sa bula ang lahat ng kanyang pagod. Pero bago lumayas sa studio ang milyonaryo ay nakiusap si Sebesy na pumirma ito sa kasunduang wala na siyang pakialam sa portrait dahil hindi siya ang nakalarawan doon. Tutal ganoon naman ang feeling ni Kelen, na hindi niya kamukha ang nasa portrait, pumirma kaagad ito.
Pagkaraan ng ilang buwan ay nagkaroon ng malaking exhibit ang Society of Hungarian Artists sa Gallery of Fine Arts sa Budapest, ang capital ng Hungary at pinakamalaking lungsod ng naturang bansa. Miyembro ng Society si Sebesy kaya may isinali siyang mga paintings. Unang araw pa lang ng exhibit ay maraming tao ang nagpuntahan sa Gallery, isa rito ang milyonaryong si Kelen.
Habang nililibot niya isa-isa ang mga obra ay namutla siya sa isang painting na nakadispley sa pinakasentro ng gallery. Para bang ito ang pinaka-star sa lahat ng paintings na naroon. Ito ang portrait na ipinagawa niya kay Sebesy na tinanggihan niyang kuhanin at bayaran. Ang portrait ay may pamagat ng Portrait of a Thief.
Sumugod siya sa opisina ng gallery manager at nag-demand na tanggalin ora mismo ang naturang portrait. Ano na lang daw ang sasabihin ng mga kakilala niya? Susmaryosep, sisirain ng portrait na iyon ang kanyang magandang reputasyon! Inamin din niya sa sarili na kamukha niya ang nasa portrait. Sinumpong lang siya ng kademonyuhan kaya hindi niya kinuha at binayaran ang ipinasadyang portrait.
Kinuha ng manager ang papel na pinirmahan niya. “Sir, wala na kayong karapatan sa portrait dahil may pinirmahan ka na nagsasabing hindi ikaw ang nakalarawan doon.”
“Okey, ano ang dapat kong gawin upang ngayon din ay tanggalin mo ang aking portrait?”
“Bilhin mo ang portrait.”
“Magkano?”
“Five thousand pengos.”
“Niloloko mo ba ako? Pinababayaran lang iyan sa akin ni Sebesy ng 500 pengos!”
“Take it or leave it.”
Walang nagawa ang milyonaryo kundi bayaran ang nilait na portrait ng sampung beses ang kamahalan sa orihinal na presyo. Napangisi si Sebesy nang iabot sa kanya ng manager ang 5,000 pengos.