Dear Attorney,
Puwede bang ireklamo ang employer sa hindi pagtataas ng sahod? Nang na-hire kasi ako noong isang taon ay binanggit sa akin na may salary increase daw ang mga empleyado kada taon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin tumataas ang sahod namin. — Nelly
Dear Nelly,
Walang sinasabi ang ating batas ukol sa obligasyon ng mga employer na taasan ang sahod ng kanilang mga empleyado, puwera na lamang kung minimum wage earners ang empleyado at nagtakda ng pagtaas ng mininum wage ang regional wage board. Sa ganyang pagkakataon ay kailangang sumunod ng employer at pasahurin ang kanyang mga empleyado batay sa bagong minimum wage.
Gayunpaman, kahit wala namang sinasabi ang batas ukol sa obligasyon ng employer sa pagtataas ng sahod, maari pa rin itong maging bahagi ng employment contract at ng iba pang kasunduan sa pagitan ng empleyado at ng employer katulad ng collective bargaining agreement (CBA).
Sa sitwasyon mo ay maari mong sabihin na bahagi ng iyong employment contract ang nabanggit sa’yo na taunang salary increase lalo na kung isa ito sa mga bagay na nagtulak sa iyo para tanggapin ang trabaho mo ngayon. Kailangan mo nga lang patunayan iyan kung ikaw ay magsasampa ng reklamo laban sa iyong employer.
Mabuti kung nakasulat ang taunang salary increase sa iyong employment contract pero kung wala kang employment contract na nakasulat o kung mayroon man, ay hindi naman nakasaad ang salary increase, ay maaring hindi maging paborable sa iyo ang magiging kahihinatnan ng kaso.