Ang janitor
SI Mang Onet ay gasoline boy sa araw pero janitor ng simbahan sa gabi. Kailangan niyang kumayod nang ganoon katindi dahil may dalawa siyang anak na nag-aaral sa kolehiyo. Makakauwi na sa bahay si Onet ng alas dose ng gabi.
Bagama’t madasalin, sa sobrang pagod ay hindi na niya makuha pang magdasal nang mahaba bago matulog. Kaya’t ito na lang ang kanyang sinasabi sa Diyos: Salamat po sa lahat ng biyaya. Pagkalapat ng likod sa matigas na papag ay agad itong makakatulog nang wala pang 10 segundo.
Isang gabi, may mga magnanakaw na nakapasok sa simbahan. Ang pakay nila ay makuha ang safebox kung saan itinatago ang perang iniaalay ng bawat miyembro ng sekta. Iniipon muna ang ilang buwang koleksiyon at saka ihuhulog sa banko.
Hindi akalain ng mga magnanakaw na kahit gabi na ay may naglilinis ng simbahan kaya binaril nila si Onet. Narinig ng pastor ang putok kaya sumilip siya sa altar mula sa kanyang tinutuluyang silid-tulugan. Nakita agad siya ng magnanakaw at agad din pinaputukan.
Sabay na umakyat sa gate ng kalangitan ang kaluluwa ng pastor at ni Onet. Umupo sila sa holding area para hintayin si San Pedro. Agad pinapasok ni San Pedro si Onet. Sinamahan ito ni San Pedro sa pagpasok kaya sinabihan niya ang pastor ng:
“Maghintay ka lang, sasamahan ko lang siya. Babalikan kita.”
Kaso nagkandatulog na ang pastor sa paghihintay pero wala pa ring San Pedro na bumabalik. Kaya nang bumalik ito ay hindi matiis na magreklamo.
“Bakit nauna pang papasukin si Onet kaysa akin samantalang wala akong ginawa sa aking buong buhay kundi magdasal, mangaral ng salita ng Diyos, at iba pang gawaing pang-espiritwal? Samantalang ang Onet na iyan ay mabibilang mo sa daliri ang pag-attend sa Bible study o hindi ko man lang makitang magdasal o magbuklat ng Bibliya.”
“Mali ang iyong akala na hindi nagdadasal si Onet. Nauna siyang pinapasok sa langit dahil natuwa ang Diyos sa kanyang one-sentence na panalangin. Maikli ngunit puno ng sinseridad. Sa inyong dalawa, mas puro ang kabutihan ng kanyang puso. Samantalang ikaw, naghintay lang sandali, hinusgahan mo na kaagad ang kanyang pagkatao.”
- Latest