Maid of Honor (138)

PATULOY ang pagtawag ni Inah habang nasa harap ng apartment ni Rocky. Pero nakakailang beses na siyang tumatawag ay walang sumasagot. Wala nga sigurong tao. Napansin niyang nakakandado ang gate. Ang main door ay may padlock din.

Nang igala ni Inah ang paningin sa bakuran, mara­ming nakakalat na dahon ng mangga. Halatang walang naglilinis o nagwawalis. May mga damo rin na sumibol sa pathway patungo sa likuran ng bahay. Sa itsura, matagal nang walang nakatira sa bahay.

Tumawag muli si Inah. Bakasakali.

“Kuya Rocky! Kuya Rocky!’’

Pero walang sumasagot. Wala talagang tao!

Umalis na si Inah at ipinasyang bumalik sa simbahan. Nagbabakasakali siyang makita ang babaing nakaitim na damit na pinagtanungan niya kanina. Baka alam nito kung nasaan si Rocky. Pakiramdam ni Inah ay may alam ang babae. Natatandaan niya ang babae—maganda ito at mukhang mabait.

Pero nang makarating siya sa loob ng simbahan, hindi na niya nakita ang babae. Nanghinayang siya. Sana naitanong niya sa babae kung nasaan si Rocky.

Nagbalik si Inah sa harapan ng apartment at nagbakasakali.

Hanggang isang matandang lalaki ang nakita niya roon at pinagtanungan.

“Walang tao riyan! Matagal na!’’ sabi ng matanda.

(Itutuloy)

Show comments