Dear Attorney,
May non-compete clause po ang kontrata ko sa dati kong employer na isang hotel. Balak ko po lumipat sa real estate developer na nagtatayo naman ng mga hotel. Pareho pong nasa isang isla lang ang dalawang company na ito. Puwede po ba akong habulin ng dati kong employer base sa non-compete clause sa dati kong kontrata? —Rachel
Dear Rachel,
Wala akong nakikitang dahilan upang ikaw ay habulin ng iyong dating employer base sa non-compete clause ng dati mong employment contract. Bagama’t hindi mo naman inilagay ang mismong nakalaad sa nasabing non-compete clause, mukha namang hindi ito dapat pagmulan ng isyu dahil nasa magkaibang industriya ang dati mong kompanya at ang lilipatan mo.
Ayon sa Tiu v. Platinum Plans Philippines (G.R. No. 163512, 28 February 2007), bukod sa pagkakaroon ng rasonableng limitasyon ukol sa panahon kung kailan hindi puwedeng magtrabaho sa kalabang kompanya ang isang empleyado, dapat ay malinaw rin ang industriyang pinatutungkulan ng non-compete clause.
Kaya kung malinaw naman ang non-compete clause sa iyong dating employment contract na para lamang ito sa mga nasa kaparehong industriya ng iyong dating kompanya, wala ka dapat ipangamba dahil base sa inilahad mo, nasa ibang linya ng negosyo ang lilipatan mo.