Dear Attorney,
Paano po ba mawawalan ng bisa ang special power of attorney (SPA)? Ano po ang mangyayari kung paso na pala ang SPA ng ka-transaksyon ko? — Rex
Dear Rex,
Nakasaad sa Article 1919 ng Civil Code ang anim na paraan kung papaano mawala ang tinatawag na agency o legal na kapangyarihan para kumatawan sa ibang indibidwal:
(1) sa pamamagitan ng pagbawi ng principal na siyang nagbigay ng kapangyarihan;
(2) sa pamamagitan ng pag-urong ng ahente mula sa pagiging agent sa kanyang principal;
(3) kapag ang principal o agent ay namatay, nagkakaroon ng civil interdiction o balakid sa mga karapatang sibil (kadalasan ay bunsod ito ng pagkakakulong), nawala sa tamang pag-iisip, o nalugi;
(4) sa pamamagitan ng pagkakabuwag ng firm o korporasyon na siyang nagbigay o tumanggap ng nasabing agency;
(5) kapag natupad na ang layunin ng ginawang agency at
(6) kapag natapos na ang panahong ibinigay para sa agency.
Kung paso na ang SPA ng ka-transaksyon mo ay hindi na siya maituturing na isang “agent” at wala na siyang kapangyarihang itali ang taong kanyang kinakatawan sa anumang kasunduan. Madali ng itanggi ng kanyang niire-represent ang mga transaksyon niyo kaya hindi advisable na pumasok sa mga kasunduan sa isang taong may pasong SPA.