May mga bagay o produkto na hindi natin namamalayan ay expired na pala. Tulad sa mga pagkain at gamot na tinatakdaan ng panahon kung hanggang kailan dapat gamitin kaya merong expiration date ang mga ito.
Inihalimbawa minsan sa Popular Science at Reader’s Digest ang helmet na karaniwang ginagamit ng mga nagbibisikleta o nagmomotorsiklo. May mga helmet na merong nakasaad na expiration date. Kung wala, palitan ito tuwing ikatlo o ikalimang taon.
Ang mga seryosong biker ay dapat palitan ang kanilang helmet tuwing ikalawang taon habang iyong mga paminsan-minsan lang nagmamaneho ng motorsiklo ay maaaring maghintay ng apat na taon bago bumili ng bago. Palitan ang helmet na meron nang mga bitak o iyong naisuot sa panahon ng aksidente. Nasisira sa maalat na pawis at init ng araw ang mga materyales ng bawat helmet habang naluluma.
Hindi mainam na mag-imbak nang maraming toothpaste dahil meron ding expiration date ang mga ito. Merong toothpaste na maganda lang sa loob ng dalawang taon mula sa manufacturing date nito.
Ang sunglasses na madalas gamitin lalo na kapag tag-init ay karaniwang hindi kakikitaan ng expiration date. Habang tumatagal o kapag naluluma na ang isang sunglass, nababawasan ang bisa nito laban sa ultraviolet rays ng araw na nakakapagtulot ng kanser o cataract.
Ang sabon lalo na ang bar soap ay hindi na totoong nakakapagpalinis kapag masyado nang luma. Ilan sa mga produktong sabon ay merong expiration date pero, doon sa mga wala, inirerekomenda ng mga eksperto na itago lang ito nang hindi hihigit sa tatlong taon. Ilan sa senyales ng masyado nang lumang sabon ang pagkatuyot at bitak-bitak na itsura nito.
Kapag nabuksan na ang isang bote ng hydrogen peroxide o panggamot sa sugat, tatagal lang ito nang tatlong taon pero nawawalan na ang bisa nito pagkaraan ng anim na buwan mula nang mabuksan ang takip at malantad sa hangin. Malalaman kung maganda pa ito kung bubula ito makaraang ibuhos sa lababo halimbawa.
Ang mga sneaker o running shoes ay nasisira rin sa katagalan o pagkaraan ng madalas na paggamit. Inirerekomenda ng mga shoe manufacturer na palitan ang sapatos kung umaabot na sa 300 o 600 milya ang natatakbo nito. Ang bag ng tsaa ay hindi napapanis pero hindi na ito tulad ng dating sariwa pagkaraan ng dalawang taon. Maipepreserba ang tsaa nang mas matagal kapag inimbak ito sa freezer.
Sa mga makeup, inirerekomenda ng mga eksperto na itapon ang mascara pagkaraan ng tatlong buwan mula nang buksan ito. Ang makeup ay maaaring magkaroon ng bacteria kaya maaaring magka-impeksyon ang mata kapag ginamit malapit dito. Madadagdagan lang ng bacteria kung babasain ito ng tubig o laway.
Meron ding expiration date ang mga nakaboteng plastik na mineral water na madalas hanggang dalawang taon. Kaso, hindi naman iyong lamang tubig nito ang problema kundi iyong plastik na bote na ang mga kemikal na taglay nito ay maaaring humalo sa laman nitong tubig sa pagdaan ng matagal na panahon na makakasama sa kalusugan ng tao.
Pero, ayon sa mga eksperto, ligtas pa rin inumin ito kahit lagpas sa expiration date basta’t nakatago ito sa malamig at tuyong lugar tulad sa refrigerator at hindi naaarawan.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com