EDITORYAL - Bawalan, mga ­kompanyang ­malakas ­kumunsumo ng tubig

PATULOY ang pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam. Kahapon, nasa 184.78 meters na ito. Ang normal level ng Angat ay 212 meters. Malaki na ang naibawas dahil sa pananalasa ng El Niño. Wala pang nagaganap na pag-ulan. Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng 90 percent ng inuming tubig sa Metro Manila at 25 percent para sa irigasyon sa Bulacan at Pampanga.

Dahil sa pagbaba ng level ng tubig, naitala na may mga tahanan nang nakararanas ng water interruptions na tumatagal ng 14 hanggang 16 na oras. Sabi ng PAGASA, magpapatuloy pa ang nararanasang tagtuyot hanggang katapusan ng Mayo.

Nagpalabas ng kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigpit na nagbabawal sa golf courses na gumamit ng tubig mula sa Maynilad Water Services at Manila Water dahil sa nakaaalarmang pagbaba ng level ng tubig sa Angat.

Sabi ni Environment Undersecretary Carlos David, inatasan nila ang operator ng golf courses na gumamit ng recycled water at hindi tubig na galing sa gripo. Mayroong 10 golf courses na nag-ooperate sa Metro Manila. Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), kumukunsumo ang golf courses ng 700 cubic meters hanggang 1,400 cubic meters ng tubig bawat buwan.

Ayon pa sa DENR, pinagbabawalan na rin nilang gumamit ng tubig mula sa dalawang water companies ang mga operators ng clubhouses at swimming pools. May direktiba na rin na nagbabawal nang gumamit ng tubig para pandilig sa halaman, panghugas sa sasakyan at para sa inflatable pools. Pagbabawalan na rin ang mga operator ng carwashes sa Metro Manila dahil malakas kumunsumo ng tubig. Mahigit 1,000 ang nag-ooperate na carwashes sa Metro Manila, ayon sa DENR.

Kung kailan mababa na ang level ng tubig sa Angat Dam, saka naglabas ng direktiba ang DENR para magtipid ng tubig. Kung noon pang Marso nagpalabas ng direktiba ang DENR na nagbabawal sa golf courses na gumamit ng tubig mula sa Maynilad at Manila Water, baka marami pang nakaimbak sa Angat Dam. Ngayon, mababa na ang level ng tubig sa dam at posibleng bumaba pa. Wala pang inaasahang pagdating ng ulan, ayon sa PAGASA bagama’t dalawang bagyo ang inaasahang tatama ngayong buwan.

Ipatupad ng DENR ang direktiba sa mga ­establisimentong malakas kumunsumo ng tubig. Tiyakin na namo-monitor ang golf courses, swimming pools, carwashes at iba pa.

Show comments