PDEA leaks, destab plot at ICC probe

MUKHANG may mistulang teleserye na naman tayong inaabangan sa isyu ng pulitika sa bansa.

Isa rito ang may kinalaman sa ‘PDEA leaks’ kung saan ipinipilit na idawit ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos at ang ICC probe sa umano’y posibleng paglalabas ng warrant of arrest laban sa dating Pangulong Digong.

Umugong pa nga ang destab plot kay PBBM na sinasabing ilang matataas na opisyal sa PNP ang idinadawit.

Ayon nga kay dating Senador Antonio Trillanes IV may ilan ding retiradong military officials ang nagre-recruit ng kanilang mga tauhan upang suportahan ang ouster plot.

Naniniwala ang dating senador na ang destabilization plot ay para protektahan ang ­dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa pagpapalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng   kasong crime against humanity of murder sa kasagsagan ng kampanya laban sa illegal drugs.

Nagkonek-konek na ang pangyayari dahil layon umano ng ‘ouster plot’ na mapatalsik si PBBM upang pumalit si Vice President Sara Duterte.

Sa tantiya ng dating Senador posibleng lumabas sa susunod na buwan ang arrest warrant ng ICC laban sa dating Pangulong Duterte.

Humihingi na rin ng tulong ang ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maipatupad ang arrest warrant.

Kasabay naman nito, patuloy pa rin ang isinasagawang hearing sa Senado tungkol sa ‘PDEA leaks’ na nagdadawit kay PBBM sa ilegal na droga at maging sa aktres na si Maricel Soriano.

Nasibak na dating PDEA officer ang sinasabing witness dito na minsan nang napatunayang nagsinungaling, pero tuloy pa rin.

Nangyayari ang lahat ng ito habang nalalapit naman ang 2025 midterm election.

Siguradong marami pang isyu na babangon, mas marami dyan ang demolition o paninira sa bawat isa kaya nga nagmimistulang tele-serye.

Sino ang mananaig, sino ang paniniwalaan taumbayan na lang ang huhusga pagsapit ng halalan.

Show comments