^

Punto Mo

Galit nagdudulot ng sakit sa puso at stroke

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Lumabas sa pag-aaral ng Trusted Source na nalathala kamakailan sa Journal of The American Heart Association na maaaring madagdagan ang panganib na magkasakit sa puso at magkaroon ng stroke ang isang tao kapag nagagalit kahit saglit lang.

Ayon sa mga ulat mula sa New Scientist at Medical News Today, isang grupo ng researchers mula sa Columbia University sa New York ang nagsagawa ng pag-aaral na nagsasaad na kahit ang maiikling sandali lang ng galit ay maaari nang makapagpakipot sa blood vessel na nagpapataas ng peligro sa cardiovascular disease at stroke.

Dahil dito, sinasabi ng mga eksperto na mahalagang matutunan ang pagkontrol sa sarili kapag nakakaramdam ng galit. Makatutulong na makontrol ang galit para maibsan ang epekto nito sa kalusugan.

Dagdag ito sa matagal nang mga pananaliksik at pag-aaral sa kaugnayan ng galit sa sakit sa puso at stroke. May mga tao nga na inaatake sa puso at naha-high blood kapag biglang nagagalit na nauuwi pa sa stroke.

Hindi naman maiiwasan ninuman ang magalit. Dumarating ito sa iba’t ibang sitwasyon, sa pakikiharap sa ibang mga tao, sa mga nakikita at naririnig, sobrang pagod o gutom,  at iba pa.  Lalo ngayong napakainit ng panahon na madaling makapagpainit ng ulo at makapapagalit sa isang tao kung hindi niya kokontrolin ang sarili.  Ayon nga sa clinical psychologist na si Chad A. Buck ng Vanderbilt University, lumilitaw sa mga pag-aaral na lalong nakakaranas ng galit ang mga tao kapag tag-araw.

Paano ang mainam para maiwasan o mabawasan man ang galit ngayong napakainit ng panahon?

Ayon kay Buck, analisahin ang iniisip sa mga maling palagay o paniniwala. May mga tao na nagagalit dahil inaakala nila na totoo ang isang bagay kahit hindi naman. Pinakikitid ng maling akala na ito ang kanilang iniisip pero naniniwala pa rin sila na nakabatay sa katotohanan ang kanilang inuugali at aksyon. Mahirap itong maiwasan kapag stressed. Wala namang gulo pero hinahanap ito.

Nakatutulong minsan na mabawasan o mapigilan ang galit kapag nakikilala at nakakaharap ang mga maaaring puno’t dulo ng nararamdamang galit. Baka pagod, gutom, masama ang pakiramdam, wala sa mood, hindi maganda ang gising sa umaga, madaling mapikon at iba pa.

Mag-isip bago magsalita o kumilos. Maingat na piliin ang sasabihin at gagawin. Huminahon. Isipin ang maaaring ibubunga kapag nagalit ka. Huminga nang malalim.

Malaking bahagi ng pagkontrol ng galit ang pagtutok nito sa mga bagay na kapaki-pakinabang tulad ng mga pisikal na aktibidad. Kung mahilig sa painting o drawing o pagsusulat, ibuhos dito ang nararamdaman. Magbilang. Magrelaks Maglakad o gumawa ng ibang ehersisyo. Makinig ng musika. Iwasang magtanim ng sama ng loob. Magpatawa o magbiro nang hindi nakakasakit sa iba. Matutong magpasensiya. Makipag-usap sa isang kaibigan na mahihingahan ng iyong saloobin.

Maaari lang makontrol ang magiging reaksyon sa mga sitwasyon at kaganapan.  Hindi makokontrol ang klima, ang mga tao o ang iniisip o ginagawa o nararamdaman ng ibang tao. Mas mainam na kilalanin, unawain at kontrolin ang damdamin at reaksiyon. Maglaan ng sandali na mapag-isipan ang mga tamang bagay kapag merong problema. Makakatulong na mapigilan ang galit kung maiisip ang magagandang bagay na meron sa buhay.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

COLUMBIA UNIVERSITY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with