HABANG umuunlad ang sibilisasyon, lalong gumagaling ang tao sa panloloko. Noon, ang tawag lang natin ay fake, tulad ng fake news—mga nasusulat na balita na peke, hindi totoo. Ngayon, ang peke ay hindi lamang nasusulat, puwedeng naka-video, nakikita, naririnig. Ang tawag dito’y deepfake—pekeng sagad-sa-buto.
Kamakailan, nasampolan ng deepfake si Presidente BBM mismo nang lumabas sa social media ang isang video kung saan pinaghahanda niya ang militar sa posibleng pakikipaggiyera sa China. Hindi na ito biru-biro. Napakaseryoso nito na may implikasyon sa pambansang seguridad. Maraming matataas na lider sa iba’t ibang bansa ang naging biktima ng deepfake.
Hindi ba kayo nagtataka na makapanood sa social media ng mga sikat na personalidad, katulad ng respetadong mga doktor, na nag-eendorso ng mga gamot at iba pang produkto? Ipinagbabawal ito sa mga doktor, kaya’t mas malamang kaysa hindi, na ang mga ito’y deepfake. Ang problema, siguradong maraming bumili ng mga naturang produkto dahil pinaniwalaan ang isang endorsement na deepfake pala.
Ang deepfake ay modernong panloloko na gawa ng Artificial Intelligence (AI), mga robot na imbensyon rin ng tao na nadadaig pa ang totoong tao sa punto ng karunungan. Maaaring gayahin ng AI ang pananalita ng isang tao, tulad ng deepfake na ginaya ang boses ni BBM. Napakadaling ikalat sa publiko ang deepfake dahil sa mga social media platforms na tulad ng FB at YouTube.
Hindi magtatagumpay ang panloloko kung hindi madaling lokohin ang mga tao. Ito ang malaking problema natin. Ayon sa nakaraang mga pag-aaral, higit sa kalahati ng mga Pilipinong aktibo sa paggamit ng social media (ang mga Pilipino ang itinuturing na pinakaaktibong tao sa paggamit ng social media sa buong mundo) ang walang kakayahang alamin kung ano ang totoo at peke.
Kaya posible na marami sa ating mga kababayan ang gagawa ng desisyon base sa pinaniwalaang impormasyon na nabasa o narinig sa social media. Sa ngayon, hindi na ang diaryo o telebisyon ang pangunahing pinagkukunan ng balita ng nakararaming Pilipino, kundi ang social media.
Dahil sa deepfake, maaaring ang maihalal natin sa matataas na posisyon sa panahon ng eleksyon ay mga kandidatong sagod-sa-buto ang pagiging peke—peke ang pagmamahal sa bayan, peke ang pagiging magaling, peke ang pagiging mabuti.
Kultura na raw dito sa atin ang katiwalian. Hindi malayong mangyari na maging kultura na rin ang panloloko sa porma ng deepfake. Ang isang tiwaling pulitiko ay maaaring mamuhunan na lang sa paggawa ng mga deepfake para manalo sa eleksyon. Kapag nagkaganito, mauuwi ang Pilipinas sa Republika ng mga Peke.
Kailangang simulan ang kampanya laban sa deepfake sa mga eskwelahan, tahanan, at simbahan. May mga panukala na ibawal ang pagdadala ng mobile phones sa mga eskwelahan. Maganda itong simula, pero hindi sapat. Napapanahon na magkaroon na ng aralin sa mga eskwelahan tungkol sa pagdebelop ng kakayahang malaman kung ano ang totoo sa peke.
Sa tahanan, kailangang maging proactive ang mga magulang sa pagsubaybay sa mga anak sa paggamit ng social media. Sa simbahan, kailangang palakasin ang mga pangaral at pag-aaral tungkol sa moralidad. Sa ngayon, hindi lamang ang produksyon ng pagkain ang bumabagsak dito sa atin, kundi maging ang moralidad ng mga tao. Ang matibay na moralidad ang panlaban sa mapanlinlang na pang-akit ng social media.