Maid of Honor (102)

INIAWANG ni Rocky ang pinto at sumilip. Hawak nito ang black bag.

“May dalawang tao sa labas!’’ sabing pabulong ni Rocky kina Honor at Inah.

“Anong ginagawa?’’ tanong ni Honor.

“Naghihintay—parang tayo ang hinihintay lumabas.’’

“Baka mga miyembro ng sindikato yan,’’ sabi ni Honor.

“Mga singkit ba Kuya?’’ tanong ni Inah.

“Hindi ko makita—­madilim. Pero matitipuno ang katawan nila.’’

“Anong gagawin natin, Kuya Rocky?’’ tanong ni Inah.

“Meron ka pa bang alam na lagusan, Inah?’’

“Meron Kuya pero kaila­ngan muna nating lumabas sa kuwartong ito.’’

“Mga gaano kalayo rito sa kuwartong ito?’’

“Tantiya ko mga 100 hakbang mula rito—sa gawing kaliwa ng kuwartong ito.’’

Nag-isip si Rocky.

Maya-maya isang plano ang kanyang naisip.

“Maghiwa-hiwalay tayo. Kayong da­lawa, doon dumaan sa sinasabi mong lagusan. Ako ang magpapaiwan dito. Ako ang magdadala ng pera.’’

Nag-isip si Inah.

“Bakit hindi pa tayo magsabay-sabay, Kuya?’’ tanong nito.

“Mahirap kung sabay-sabay tayo. Papatayin nila tayo. Kung hiwa-hiwalay tayo, hindi nila malalaman kung sino ang kanilang uunahin. Lalansihin natin sila.’’

Napatango si Honor.

Si Inah naman ay nag-iisip sa plano ni Rocky.

“Ano Inah, okey ba sa’yo?’’

“O-oo Kuya,’’ napipilitan nitong sagot.

“Sige, iaawang ko nang bahagya ang pinto at saka kayo dahan-dahang lumabas.’’

Iniawang ni Rocky ang pinto at marahang lumabas ang dalawa.

(Itutuloy)

Show comments