WFH inihirit vs matinding trapik
Iba’t ibang pamamaraan pa rin ang naiisip para lamang maibsan ang malala at matinding trapik sa Metro Manila.
Hindi nga ba’t nagkasundo ang Metro Manila mayors na magpatupad ng adjustment sa working hours ng mga empleyado para maibsan man lang kahit bahagya ang lumalalang trapik?
Magsisimula na ang trabaho ganap na alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, mula sa dating alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ito umano ay para hindi na masabay pa sa mga mag-oopisina sa mga pribadong kompanya.
Bukod dyan, iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na makakatulong din na maibsan ang trapik sa Kalakhang Maynila kung maipapatupad na rin ang Work-from-Home Act na kilala rin sa tawag na RA 11165 o “An Act Institutionalizing Telecommuting as an Alternative Work Arrangement for Employees in the Private Sector.”
Proteksyon din ito sa nararanasang mapanganib na init sa iba’t ibang parte ng bansa at sa Metro Manila.
Iginiit ni Villanueva ang pumasang batas tungkol sa pagtatrabaho sa bahay o sa ibang lugar na hindi kinakailangang regular na pumunta sa mga opisina.
Ang IBM umano, na inihalimbawa nito ay nakatipid pa ng nasa 40-60% matapos ipatupad ang telecommuting.
Inatasan din nito ang DOLE na alamin kung anu-anong mga industriya ang puwedeng magpatupad ng work from home.
Ang lahat ng nabanggit ay para lamang kahit bahagya eh masolusyunan ang trapik sa Kalakhang Maynila.
Bilyong halaga ang matatandaang nalulugi sa pamahalaan sa isinagawang pag-aaral dahil sa matinding trapik.
- Latest