Nakatakas na kabayo, sinubukang sumakay ng tren sa Australia!

ISANG nakatakas na kabayo ang pumunta sa isang train station sa Sydney, Australia at sinubukang sumakay ng tren at manghabol ng mga pasahero!

Naging viral sa mga Australian netizens ang mga security camera video footage na pinost ng Transport for New South Wales kung saan makikita ang isang kabayo na pumasok sa platform ng train station sa kasagsagan nang malakas na pag-ulan.

Ayon sa Transport for NSW, pumasok ang kabayo sa Warwick Farm station at ilang beses itong nagpatakbu-takbo sa mismong platform ng is­tasyon. Tumigil ito sa pagtakbo nang makitang may paparating na tren na mistulang isang pasahero na gustong sumakay dito.

Nang makita ng train operator na may kabayo sa platform, hindi nito muna binuksan ang pintuan ng tren at binalaan niya ang mga pasahero na may kabayo sa labas. Bumalik sa pagtakbo ang kabayo at hinabol nito ang isang kadarating lamang na pasahero na sasakay sana ng tren. Mabilis na nakatakas ang pasaherong hinabol ng kabayo at hindi ito nagtamo ng injury.

Agad tumawag ang train operator ng pulis para hulihin ang kabayo. Pag­karesponde ng mga pulis, dumating na rin ang may-ari ng kabayo para kunin ito. Napag-alaman na isa itong kabayong pangarera na nakatakas sa kanyang kuwadra.

Ayon sa Transport for NSW, ligtas na naiuwi ang kabayo at wala namang naghain ng reklamo laban sa may-ari ng kabayo.

Show comments