Bata na tinaguriang ‘human calculator’, nakatanggap ng Guinness World Record!

Isang batang lalaki sa India ang nakapagtala ng bagong world record dahil sa bilis nitong mag-compute ng mga numero!

Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na ang 13-anyos na si Aaryan Shukla ng Maharashtra, India ang pinakabagong record holder ng titulong “fastest time to mentally add 50 five-digit numbers”. Ito ay matapos siyang makapag-compute ng mga numero gamit lamang ang kanyang utak sa loob ng 25.19 seconds.

Naka-televise ang record breaking attempt ni Aaryan sa Italian TV show na “Lo Show dei Record”. Habang nakatayo sa entablado, nakaharap si Aaryan sa isang malaking screen kung saan mabilis na nagpa-flash ang mga numero na kailangan niyang kuwentahin.

Sa sobrang bilis ng pag-flash ng mga numero, halos hindi mabasa ng mga live audience ang mga ito. Matapos ipakita ang huling numero sa screen, ilang segundo lang ang kinailangan ni Aaryan para ma-compute nang tama ang mga ito.

Ayon kay Aaryan, natuklasan niya ang kanyang talento noong siya ay 6-anyos. Napag-alaman na kahit tutok siya sa kanyang mga lesson at activities sa school, balanse ang kanyang pag-aaral at paglilibang, Mahilig manood at maglaro ng sports na cricket si Aaryan at libangan din niya ang pagbabasa ng mystery novels.

Hindi pa alam ni Aaryan ang gusto niyang maging career sa kanyang paglaki pero alam niya na may kinalaman ito sa Mathematics.

Show comments