Pinagkabit-kabit na bigote na umabot ng 195 feet, nakapagtala ng Guinness World Record!

Nakapagtala ng tatlong Guinness World Record title ang mga dumalo sa National Beard and Mustache Championships sa Florida, U.S.A!

Naganap ang event sa Daytona Beach kung saan nagtipun-tipon ang mga bigotilyo at balbas sarado. Tatlong world record titles ang sinubukang makuha ng mga dumalo sa event at ito ay ang: “Longest Beard Chain”, “Longest Mustache Chain”, at “Longest Partial Beard Chain”.

Nagsimula ang taunang event na ito noong Oktubre 2011 para pagsama-samahin ang mga beard and mustache afficionado sa buong North America. Ginawa ito para maging coordinated ang mga competition at events na may kinalaman sa bigote at balbas.

Ang unang world record title, ang “Longest Beard Chain” ay sinalihan ng 86 katao kung saan, inipit gamit ang clip ang kanilang mga balbas para mapagdugtung-dugtong ito. Umabot ng 195 feet and 3 inches ang kanilang beard chain.

Ang pangalawang world record title na “Longest Mustache Chain” ay sinalihan ng 27 na mga bigotilyo at umabot ang kanilang mustache chain ng 20 feet and 4 inches.

Ang huling world record title na “Longest Partial Beard Chain” ay sinalihan naman ng 24 katao kung saan umabot sa 42 feet and 8 inches long ang pinagdugtung-dugtong nilang balbas.

Lahat ng tatlong record attempts ay successful at nakapagtala ng bagong world record. Ayon sa organizer ng event, wala silang balak na bitawan ang mga world record na ito at susubukan muli nilang mahigitan ang sarili nilang record sa susunod na taon.

Show comments