Lalaki sa Netherlands, nakatanggap ng Guinness World Record dahil sa heart transplant nito!

ISANG 57-anyos na la­laki sa Netherlands ang nakapagtala ng Guinness World Records longest surviving heart transplant patient!

Kinumpirma ng records keeping organization na si Bert Janssen ang pinakabagong world record holder ng titulong “Longest-Surviving Heart Transplant Patient”.

Ito ay dahil 39 na taon at 252 araw na siyang nabubuhay matapos makatanggap ng donor heart noong 1984.

Ang previous record ay dating hawak noong 2021 ng Canadian na si Harold Sokyrka na may 34 na taon at 359 araw.

Ayon kay Janssen, 17-anyos siya nang ma-diagnose ng cardiomyopathy, isang kondisyon kung saan may damage ang muscle cells ng puso na nagi­ging dahilan para mahirapan mag-pump ng dugo ang puso sa buong katawan.

Sumailalim sa heart transplant si Janssen ng June 1984 sa tulong ng heart transplant pioneer na si Dr. Magdi Yacoub. Ang donor heart ni Janssen ay nagmula sa isang biktima ng car crash accident.

Sa kasalukuyan, may asawa at dalawang anak si Janssen.

Nagpapasalamat si Janssen na umabot siya ng 39 na taon matapos ang kanyang transplant dahil ang average life expectancy ng mga heart transplant patient ay 16 na taon.

 

Show comments