‘Pangho-hostage’ sa ilang ospital, dapat masilip

MISTULANG hindi pa rin pala napipigilan ang umano’y ‘pangho-hostage’ sa ilang mga pagamutan.

Kung dati sinasabing kahit magaling na ang pasyente o di kaya ay nasawi na pero napipigilang makalabas dahil sa hindi pa napupunan ang dapat nilang bayaran.

Ngayon isang pribadong ospital naman sa Valenzuela City ang pinaiimbestigahan ni Mayor Wes Gatchalian nang pigilan o ‘i-hostage’ ang dalawang kaanak ng nasawing pasyente.

Tinawag itong ‘palit-ulo’ scam.

Lumantad din ang dalawang complainant, na nagsabing hindi umano sila pinayagang makalabas hangga’t hindi nababayaran ang bill nang ma-admit ang kanilang kaanak sa pagamutan.

Sa kwento ng isa sa complainant na sina Richel Mae Alvaro, Pebrero 14 nang mamatay ang kanyang asawa kung saan umabot sa kalahating milyon ang kanilang bayarin. Naiburol ang kanyang asawa subalit nanatili siya sa ospital at bantay-sarado ng mga security guards sa loob ng tatlong araw hanggang sa may tumulong lamang sa kanya na makatakas.

Ganito rin halos ang sinapit ng isa pang complainant na namatayan naman ng hipag sa iisang ospital.  Tumatanggi rin ang ospital na ilabas ang death certificate ng mga pasyente.

Naniniwala si Gatchalian na posibleng matagal nang nagiging kalakaran at modus ito kaya nais niyang maimbestigahan.

Hindi rin palalampasin sa imbestigasyon ang mga security ng ospital na umano’y nagsilbing tau-tauhan at goons ng ospital.

Nanawagan din ang Valenzuela LGU sa iba pang dumanas ng ganitong karanasan na lumutang, upang agad na maaksiyunan.

 

Show comments