NASA food court kami ng isang mall. Nakaupo lang kami dahil pinag-iisipan pa muna namin ang oorderin na pagkain. Ang table namin ay malapit sa mga food stalls. Maraming nakapila sa isang stall na katapat ng aming kinauupuan. Napansin ko na ‘yung isang lalaking nakapila, habang dumudukot sa kanyang bulsa ay hindi namalayang nahulugan siya ng pera. Nalaglag ang naka-fold na 100 peso bills. Hindi lang isang piraso dahil makapal.
Napansin kong may batang napadaan sa tapat ng perang nalaglag at gusto niya itong damputin. Kadadaan lang ng bata mula sa kung saan kaya siguradong hindi niya alam kung kanino nagmula ang nalaglag na pera. Nasisiguro ko na aangkinin niya ang pera. Mabilis akong kumilos, inunahan ko ang bata sa pagdampot, sabay tapik sa likod ng lalaking nalaglagan ng pera.
“Sir nalaglag po mula sa inyong bulsa,” sabay abot ng pera na naka-fold pa.
Gulat na gulat ang lalaki. Sabay kapa sa kanyang bulsa.
“Oh, thank you” sabi nitong nakangiti na may kahalong pagkagulat sa mga pangyayari. Tiningnan niya kung saan ako nakaupo. Ang batang inunahan ko sa pagpulot ng pera ay nakatingin din sa akin. Nang makuha ng lalaki ang kanyang inorder at patungo sa kanyang table, saglit itong tumigil sa aking harapan.
“Sister salamat sa iyo. Christian ka?”
“Roman Catholic po.”
“Ah, akala ko Christian, ang honest mo kasi. Salamat ulit.”
Ngumiti lang ako nang pagkatamis-tamis. Sa loob-loob ko lang: “Christian din kaming mga Roman Catholic…ha-ha-ha”.