‘Buwaya’

NANGYARI ang karanasan kong ito noong bago mag-pandemic. Isinama ako ng aking kaopisina sa kanilang probinsiya sa Southern Tagalog. Sa call center kami nagtatrabaho. Madalas na ikinukuwento ng aking officemate na maganda sa kanilang bayan. Marami raw magandang tanawin at may falls na talaga raw napakaganda. Marami raw ilog sa kanila na maaari kaming mamangka at maligo na rin.

Dahil hindi pa ako nakararanas mamangka sa ilog, excited akong sumama sa aking officemate. Isinasama rin niya ang isa pa naming officemate pero nag-backout dahil takot daw siyang sumakay sa barko o sa bangka. Tatawid kasi kami ng dagat para makarating sa bayan ng aking officemate.

Tama ang sinabi ng aking officemate na maganda ang tanawin sa kanilang bayan. Nakita ko ang talon o falls na nasa pagitan ng dalawang bundok. Malakas ang bagsak ng tubig. Maraming turista na ang nagtutungo roon.

Ang pinakagusto ko ay pamamangka sa ilog. Marami ngang ilog sa kanila. Karaniwang ang ilog ay maraming puno ng sasa na ginagawang pawid. Meron ding pawang bakawan ang nakatanim. Napakagandang tanawin.

Umarkila kami ng bangka para marating ang pinakaloob ng ilog. Tatlo kami sa bangka kasama ang bangkero. Una naming pinasok ang ilog na maraming sasa. Sunod ay ang maraming bakawan. Napalayo kami nang husto. Ang kulay ng tubig ay berde na nagpapahiwatig na malalim ang ilog. Wala ring agos.

Aliw na aliw ako sa pagmamasid sa makapal na bakawan nang biglang may bumundol sa aming bangka.

“Kapit!’’ sabi ng bangkero.

Kumapit ako sa gilid ng bangka. Hanggang sa muling may bumundol sa ga­wing unahan ng bangka. Malakas! Dahilan para tumagilid ang bangka at nawalan ng panimbang. Ako ang unang nahulog sa tubig. Kasunod niyon ay nakita ko ang isang buwaya. Ito pala ang bumundol! Malaki ito.

Tumili ako. Lumabas ang pagkapusong babae ko. Nagkakawag ako at humingi ng saklolo sa dalawa kong kasamahan na nakakapit sa bangka ng mga oras na yun.

“Buwayaaa! Buwayaaa!’’ sigaw ko.

Narinig ang sigaw ko ng mga kalalakihang nasa di-kalayuan at tinulungan ka­ming makaahon. Hindi na namin nakita ang buwaya. Sabi, maaring naligaw doon ang buwaya dahil naghahanap ng pagkain. Mula noon, hindi na ako sumama sa pamamangka. Hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon.

Show comments