^

Punto Mo

Kendi

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

ISANG matandang lalaki ang ipinasok sa ospital kasama ang lalaking nasa pagitan ng edad 30 hanggang 35. Araw-araw tuwing mealtime ay dinadalaw ng lalaki ang matanda upang dalhan ng pagkain at tulungan na rin itong pakainin.

Paminsan-minsan, kinakausap nito ang doctor ng matanda upang matiyak na maayos na ang kalagayan nito.

Tumagal ng isang linggo ang pananatili ng matanda sa ospital.

Habang hinihintay ng matanda ang kanyang sundo, binati ito ng kanyang nurse.

“Sir ang suwerte mo naman sa anak. Guwapo na, maasikaso pa siya sa iyo.”

Napangiti ang matanda.

“Sana nga naging anak ko siya. Jojo ang pangalan niya. Anak siya ng aming naging kapitbahay noong araw. Isang araw ay dinatnan ko siyang umiiyak sa pintuan ng kanilang bahay. Siguro ay anim na taon na siya noon. Nalaman kong nag-iisa siya dahil ang lahat ng kasama niya sa bahay ay nasa ospital. Isinugod pala ang kanyang ama na inatake sa puso pero patay na pagdating ng ospital.

“Napaawa ako dahil walang tigil ang kanyang pag-iyak. Ibinili ko nang maraming kendi sa katabi naming sari-sari store para tumahan. Isinama ko muna sa aming bahay at pinakain ng hapunan hanggang sa sinundo na siya ng mga kasama niya sa bahay.

“Pagkatapos mailibing ang kanyang ama, umalis na sila sa aming lugar at hindi na kami nagkita.

“Isang araw, may isang binatang kumatok sa aming bahay. Nagulat ako nang nagpakilalang siya pala si Jojo. Nang malaman niyang nag-iisa na kaming naninirahang mag-asawa dahil pulos nasa ibang bansa ang aming anak, lagi niya kaming dinadalaw. Bago niya ako dalhin sa ospital, pinalipat niya muna ang aking misis sa kanilang bahay. Nag-aalala siyang walang kasama ito sa aming bahay. Malapit ang bahay niya sa aming lugar.

“Minsan ay naitanong ko sa kanya: Jojo, anak, bakit ka nagpapakaabalang mabuti sa aming mag-asawa?

“Isang simpleng sagot ang ibinigay niya: Dahil hanggang ngayon po ay nalalasahan ko pa ang kending ibinigay mo sa akin. Nang araw pong iyon na nakita mong nag-iiyak ako, ang tingin ko po sa iyo ay ikaw na ang pinakamabait na tao sa buong mundo.

Nang tingnan ng matanda ang kausap na nurse, nangingilid ang luha nito.

CANDY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with