Isang 17-anyos na teenager sa Utah, U.S. ang inaresto ng mga awtoridad matapos ilang beses na magdikit ng isda sa mga automated teller machine (ATM).
Ayon sa Provo Police Department, 13 beses nagdikit ng isda gamit ang duct tape ang hindi pinangalanang teenager sa iba’t ibang ATM sa Provo city bilang prank o katuwaan.
Nagsimula noong Agosto 2023 ang mga prank at dokumentado ito ng suspek sa kanyang Instagram account na may username na “fish_bandit84”.
Ang naturang Instagram account ay may 52,000 followers at uploaded lahat dito ang mga litrato ng mga isdang nakadikit sa ATM. Mga isdang trout, bluegill, bass, catfish, carp at crappie ang gamit nito sa kanyang mga prank.
Bukod sa ATM, nagdikit din ng isda ang suspek sa isang police car ng Provo Police Department.
Noong Disyembre, nagsagawa ng search warrant ang Provo Police Department upang malaman ang identity ng Instagram user na si “fish_bandit84”.
Matapos makuha ang pagkakakilanlan nito, agad itong dinala sa juvenile court at kinasuhan ng two misdemeanor counts of property damage.