“NARINIG ko na rin ang kasabihang yan, Yana, na mahirap ang nanganganak. Kaya kapag nakakakita ako ng mga anak na lumalaban sa kanilang ina, ako ang labis na nasasaktan. Dapat mamahalin natin ang ating mga ina dahil buwis buhay ang panganganak—ke normal pa yan o CS. Parehas lang yun na naghirap ang mga ina,’’ sabi ni Bianca.
“Tama ka Ate.’’
“Kaya kapag naipanganak ko itong panganay namin ni Honor, ipamumulat ko agad sa kanya na mahalin ang nagluwal sa kanya—hindi lang ako kundi pati na ang daddy niya.’’
“Oo nga Ate. Yun po talaga ang dapat.’’
“Ikaw ba Yana ay buhay pa ang mga magulang mo?’’
“Opo Ate. Nasa probinsiya sila.’’
Biglang tumunog ang cell phone ni Bianca na nakapatong sa mesita na nasa receiving room. Dali-daling kinuha ni Honor ang cell phone ni Bianca at iniabot dito.
Kinausap ni Bianca ang tumawag. Kapatid yata nito ang tumawag.
Nagpatuloy naman sa pagkain si Honor. Si Yana ay nasa lababo at hinuhugasan ang kaserola at iba pang ginamit sa pagluluto ng nilaga.
KAPAG may niluluto si Yana ay tumutulong si Bianca sa paggayat ng gulay at iba pa.
“Ako na lang Ate at baka mapagod ka,’’ sabi nito.
“Kaya ko naman Yana.’’
“Kabuwanan mo na ngayon, Ate?”
“Oo.’’
“Malakas bang sumipa si baby Ate?’’
“Ay naku ang lakas!’’
“Ang cute siguro niya Ate.’’
“Sana nga.’’
“Masarap alagaan.’’
“Sana ikaw ang mag-alaga sa baby namin, Yana.’’
“Oo Ate. Hindi ko kayo iiwan.’’
“Salamat Yana.’’
(Itutuloy)