“TALAGA bang ayaw mo na akong mapag-isa, Rose?’’ tanong ni Rene makaraang makaalis ang van nina Eliz. Nasa beranda sila.
“Oo. Tama na ang matagal mong pag-iisa nun.’’
“Napag-isa ka rin naman.’’
“Oo. Pero kung hindi ako nagtago sa iyo at nalaman ko na wala ka palang kasalanan e di sana hindi tayo nagkahiwalay nang matagal. Sana, mga bata pa tayo at hindi inabot ng ganito.’’
“Huwag mo nang sisihin ang sarili. Siguro, talagang ganito ang kapalaran natin. Ang mahalaga, magkasama na tayo ngayon at hindi na magkakalayo.’’
“Kaya nga hindi na ako sumama pabalik sa Maynila. Gusto ko, araw at gabi ay nakikita ka.’’
“Ang sarap naman.’’
“Napakatagal nating nagkalayo kaya dapat masulit yun.’’
“E di magha-honeymoon na tayo mamaya?’’
Kinurot ni Rose si Rene.
“Bahala ka kung anong gawin natin, he-he-he.’’
“Sige humanda ka mamaya.’’
Kinagabihan, nasa beranda sina Rose at Rene at tinatanaw ang mga bituin sa langit.
“Para tayong mga bituin sa langit, Rose—nagtatago at saka lilitaw.’’
“Oo nga Rene. Pero ngayon hindi na. Lagi nang nakalitaw at ang kislap ng liwanag.’’
Maya-maya, nagyaya na si Rene.
“Halika na sa loob. Mag-honeymoon na tayo.’’
Kinurot ni Rose si Rene.
Inakbayan ni Rene si Rose.
(BUKAS ABANGAN ANG ISA NAMANG KAPANA-PANABIK NA NOBELA. HUWAG BIBITIW SA PAGBASA)