May-ari ng ‘Star Wars’, idinemanda ang isang car wash business sa Chile!

NAGHAIN ng demanda ang LucasFilm, may-ari ng pelikulang “Star Wars” laban sa Star Wash, isang maliit na car wash business sa Chile!

Nasa proseso noon ng pagrehistro ng kanyang car wash business na Star Wash si Matias Jara nang malaman niyang dinedemanda siya ng LucasFilm dahil sa pangalan ng kanyang negosyo.

Ayon sa isinampang demanda ng LucasFilm, gusto nilang ipatigil ang pagpaparehistro ni Jara ng pangalang Star Wash dahil maaaring malito ang mga tao sa Chile at akalain na may affiliation ito sa pelikulang “Star Wars”.

Ang depensa naman ni Jara, malayo ang pangalang “Star Wash” sa “Star Wars” at hindi dahilan ito para malito ang mga tao.

Aminado naman si Jara na inspired ang pangalan ng kani­lang business sa “Star Wars”. Naisip ito ng kanyang anak ma­tapos silang bumisita sa Disneyland.

Pero pinanindigan niya na walang kinalaman sa entertainment o filmmaking industry ang kanyang negosyo at hindi ka­sama sa Star Wars copyright ang car cleaning services.

Naging viral ang issue na ito sa mga Chilean netizens at may mga haka-haka na kaya diumano dinemanda ng LucasFilm ang naturang car wash ay dahil ginaya nito ang font ng “Star Wars” sa kanilang logo. May nakapagsabi rin na ang mga car wash boys sa negosyo ni Jara ay nakasuot ng Darth Vader at Chewbacca costume habang naglilinis ng sasakyan ng costumers.

Sa kasalukuyan, dinidinig pa ang kaso at hinihintay pa ang desisyon ng korte kung pahihintulutan si Jara na gamitin niya ang pangalang “Star Wash”.

Show comments