“ROSE, kailangan pa ba talagang magpakita ako ng ebidensiya para maniwala ka na single ako? Hindi pa ba sapat ang mga ikinuwento ko sa’yo na nanatili akong binata dahil umaasa ako na balang araw ay magkakatagpo uli tayo?’’ tanong ni Rene sa parang nagsusumamo na huwag na siyang pahirapan dahil nagsasabi naman siya ng totoo. Hindi na kailangan pa ang ebidensiya sapagkat talaga namang walang ibang babaing nagmay-ari ng kanyang puso.
“Maawa ka naman sa akin Rose. Gaya nang nasabi ko, matagal kitang hinanap—kung saan-saan. Pero hindi kita natagpuan. Sa kabila niyon, umaasa pa rin ako na isang araw, magkakatagpo uli tayo. At nangyari ang aking dinarasal sa Diyos—nagkita muli tayo. Ibig sabihin, talagang nakatakda tayo sa isa’t isa. Tayo ang nakatadhana.
“Kaya kung maari, huwag mo na akong pahirapan dahil matagal nang naghihirap ang aking puso—matagal nang nagdurusa. Sana pakinggan mo ako dahil ikaw lang naman talaga ang nasa puso ko.”
Biglang tumingin sa kanya si Rose. Tumatagos sa pagkatao niya. Sinusuri siyang mabuti.
“Sige na nga. Hindi na kita hahanapan ng katibayan. Sa totoo lang, hindi naman kita talaga pahihirapan. Hindi ko naman magagawa yun.’’
“Ang ibig mong sabihin, tinatanggap mo na ako—tayo na uli, Rose?’’
“Oo.’’
“Yahoo! Pagkalipas nang maraming taon, tayong dalawa pa rin ang nagkatuluyan.’’
Biglang niyakap ni Rene si Rose at saka hinalikan sa labi. Naghalikan sila. Sabik na sabik!
Bigla namang nabuksan ang pinto at pumasok sina Eliz at Gino.
Huling-huli ang dalawa sa paghahalikan. (Itutuloy)