Nag-resign na empleyado, ayaw bigyan ng clearance dahil di raw naghintay ng kapalit
Dear Attorney,
Nag-resign po ako dalawang buwan na ang nakararaan at nag-render ako ng 30 days. Hanggang ngayon po ay hindi ko pa nakukuha ang final pay ko dahil ayaw pa akong bigyan ng clearance. Hindi raw kasi ako naghintay ng kapalit sa posisyon ko bago ako tuluyang umalis sa kompanya kaya hindi raw nila ako bibigyan ng clearance. Tama po ba ang dati kong employer? —Mara
Dear Mara,
Hindi obligasyon ng isang nag-resign na empleyado ang maghanap o maghintay ng kapalit sa kanyang posisyon.
Kung ang empleyado ay nagpaalam sa maayos na paraan ukol sa kanyang pagre-resign at siya ay nag-render ng karampatang panahon bago siya tuluyang umalis ay walang dapat maging isyu may papalit man sa kanyang iniwanang posisyon o wala.
Ang rendering period na kasi ang panahon na ibinibigay ng batas upang makapaghanda ang employer para sa napipintong pag-alis ng nag-resign na empleyado.
Hindi na problema ng empleyado kung matapos ang rendering period ay wala pa rin siyang kapalit.
Maaring ireklamo ang employer kung gagawin nitong dahilan ang kawalan ng papalit sa nag-resign para hindi pirmahan ang clearance ng empleyado, para hindi ibigay ang kanyang final pay, at iba pang paraan ng panggigipit.
- Latest