Isang 54-anyos na lalaki ang naging sanhi ng pagsabog sa isang residential area sa Kumamoto city dahil sa insecticide na ginamit niya para patayin ang ipis sa kanyang apartment!
Ayon sa report ng mga awtoridad, naganap ang insidente noong Disyembre 10 ng gabi. Matutulog na ang hindi pinangalanang lalaki nang makakita siya ng ipis sa kanyang apartment sa Chuo Ward sa naturang siyudad.
Sa kagustuhan na mapatay ang ipis, gumamit ang lalaki ng insecticide pero dahil sa dami ng na-spray nito, nagkaroon ng pagsabog at nabasag ang balcony window ng apartment. Nagtamo ng minor injury ang lalaki dahil dito.
Ayon sa mga nag-imbestigang pulis sa apartment, maaaring nagmula ang pagsabog sa Kotatsu, isang uri ng mababang mesa na may heater sa ilalim at ginagamit ito tuwing taglamig. Maaaring nag-short circuit ito nang mawisikan ng insecticide ang plug o outlet nito.
Ayon sa National Consumer Affairs Center of Japan, nakatanggap na sila ng ilang report na nagiging sanhi ng short circuit at electrical explosion ang insecticide kapag aksidenteng na-spray sa electrical outlet.
Pinaalalahanan nila na iwasang mag-spray ng insecticide sa mga electrical outlet, motor o exposed wiring dahil maaaring may sangkap ang mga insecticide na mag-ignite ng apoy.