Ilang road repair, inspeksyunin, tutukan!
Sa wakas natapos na rin ang isinasagawang rehabilitasyon ng Lagusnilad sa Maynila.
Nakatakda na itong buksan sa mga motorista ngayong Martes, (Nob.28).
Inabot ng anim na buwan ang isinagawang pagkumpuni sa naturang pangunahing daan na talaga namang nagdulot ng malaking kalbaryo sa mga motorista nang ‘tumukod’ ang trapik sa lugar.
Isinagawa ang pagsasaayos dahil sa malalalim na lubak dito na kadalasang dahilan ng maraming aksidente.
Nasa P50 milyon ang inako ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa pagsasaayos nito, kahit nga nasa hurisdiksyon ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumastos naman ng nasa P25 milyon.
Malaking bagay talaga na bubuksan na ang naturang daan lalo na nga ngayong holiday season, kung saan inaasahan na ang pagbigat ng trapiko.
Dapat na rin marahil na matutukan ang iba pang repair at rehabilitasyon sa ilan pang pangunahing lansangan na kung maaari nga lang ay pansamantalang suspindihin ngayong holiday season para maiwasan ang matinding trapik.
Kung hindi man at kaunti na lang ang pagsasaayos, eh tapusin na agad.
Dapat ding matututukan ang ganitong mga repair sa kalsada na ang ilan eh mistulang ‘tinutulugan’ ang paggawa.
Hindi kasi natututukan ang mga pabayang contractor, kahit pa nga ang kanilang mga gamit nakahambalang sa daan na sabagal sa daloy ng trapiko. Ito yung mga walang pakiaalam.
Dapat sigurong magkaroon ng regular na inspeksyon ang mga kinauukulan, sa mga isinasagawang repair para mabawasan ang kalbaryo ng mga motorista sa mga lansangan.
- Latest