HINDI makapaniwala ang mga doktor sa Missouri nang may makita silang langaw sa large intestine ng kanilang pasyente habang sumasailalim ito sa colonoscopy!
Inilathala kamakailan ng The American Journal of Gastroenterology ang kakaibang medical case kung saan ay may natagpuang buhay na langaw sa bituka ng 63-anyos na pasyenteng lalaki.
Mababasa sa lathalain na nagpa-checkup ang naturang pasyente sa ospital sa Missouri para sa kanyang routine colon cancer screening. Sumailalim ito sa colonoscopy kung saan magpapasok ng maliit na camera sa bituka ng pasyente para suriin kung mayroong abnormalities sa colon. Nang nasa bahagi na ng transverse colon ang camera, nagulat ang mga doktor sa nakita nilang langaw!
Sabi ng mga doktor sa lathalain, isa itong rare colonoscopy finding. Isang palaisipan kung paano hindi ito natunaw sa gastric acid ng tiyan at nakaabot sa transverse colon.
May teorya ang mga doktor na maaaring nagmula ang larvae ng langaw sa kinain na prutas at gulay ngunit ayon sa pasyente, tubig lamang ang kinunsumo niya sa loob ng 24 hours para sa fasting niya bago magpa-colonoscopy. Isang araw bago mag-fasting, pizza at letsugas lamang ang kinain niya.
Sa ngayon, walang mahanap na malinaw na dahilan ang mga doktor sa nangyari kaya minabuti nila na ilathala ang kaso sa The American Journal of Gastroenterology upang maging reference ng mga susunod na henerasyon ng mga gastroenterologists.